NAPANTAYAN ni LeBron James ang season high 40 points at ang career high sa pagsalpak ng siyam na 3-pointers upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa 116-104 panalo laban sa Brooklyn Nets noong Linggo ng gabi sa New York.
Ang Lakers (42-33) ay nanalo sa ika-6 na pagkakataon sa pitong laro at bumawi makaraang malimitahan sa 90 points sa 19-point loss sa Indiana noong Biyernes.
Naiposte ni James ang kanyang ikatlong 40-point game sa season sa pagbuslo ng 13-for-17 mula sa floor. Kumana siya ng 9-for-10 mula sa 3-point range.
Nagdagdag si Anthony Davis ng 24 points at 14 rebounds para sa ninth-place Lakers.
Nag-ambag si Rui Hachimura ng 20 points at 10 rebounds para sa Lakers, na bumuslo ng 54.5 percent mula sa floor. Gumawa si D’Angelo Russell ng 18 points at tumapos si Austin Reaves na may 12 habang nakakuha ang Lakers ng 114 points mula sa kanilang starters.
Tinangka ni Cam Thomas na makasabay kay James sa pagkamada ng 30 points, subalit naputol ang three-game winning streak ng Nets (29-46).
Nagdagdag si Trendon Watford ng 15 points at kumabig si Dennis Schroder ng 14 para sa Nets na bumuslo ng 42.4 percent overall at 33.3 percent (12-for-36) mula sa arc makaraang magsalpak ng 25 threes noong Biyernes laban sa Chicago Bulls.
Warriors 117,
Spurs 113
Nakakolekta si Stephen Curry ng 33 points at 8 assists at nagdagdag si Draymond Green ng 21 points, 11 assists, 6 rebounds at 6 steals nang pataubin ng bisitang Golden State Warriors ang short-handed San Antonio Spurs, 117-113, sa late-season Western Conference clash.
Ipinagpag ng Golden State ang malamig na simula upang makalapit sa walong puntos sa halftime at pagkatapos ay kinuha ang kalamangan at hindi na lumingon pa sa pag-iskor ng unang 14 points ng third quarter. Lumapit ang San Antonio sa 113-111, may 59.4 segundo ang nalalabi, salamat sa 6 points mula kay Victor Wembanyama sa 9-0 run.
Ipinasok ni Klay Thompson ang isang second-chance 3-pointer, may 39 segundo ang nalalabi, upang palobohin ang kalamangan ng Warriors sa limang puntos. Matapos ang pares ng free throws ni Wembanyama, isinalpak ni Green ang isa sa dalawang free throws, may 3.9 segundo sa orasan, upang kunin ang panalo.
Naiposte ng Warriors (40-34) ang ika-4 na sunod na panalo (pawang sa road) at umangat ng dalawang laro sa Houston sa karera para sa 10th place sa Western Conference at final spot sa play-in tournament, may walong laro pa ang nalalabi.
Umiskor si Klay Thompson ng 13 points habang tumipa sina Brandin Podziemski at Moses Moody ng 12 at 10 points, ayon sa pagkakasunod. Naglaro ang Warriors na wala si Jonathan Kuminga (knee tendinitis) sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Nakalikom si Wembanyama ng 32 points at 9 rebounds para sa Spurs. Tumabo si Cedi Osman ng 18 points, nagtala si Zach Collins ng 13, umiskor sina Malaki Branham at Tre Jones ng tig- 12 points at nagdagdag si Sandro Mamukelashvili ng 10 points at 11 rebounds.
Nuggets 130,
Cavaliers 101
Nagsalansan si Nikola Jokic ng 26 points, 18 rebounds at 16 assists, umiskor si Kentavious Caldwell-Pope ng season-high 22 points, at ginapi ng host Denver Nuggets ang Cleveland Cavaliers.
Nakakolekta sina Reggie Jackson at Michael Porter Jr. ng tig- 19 points at tumipa si Christian Braun ng 10 para sa Denver (52-23), na naputol ang two-game home losing streak.
Si Jokic ay may23 triple-doubles ngayong season at 128 sa kanyang career.
Naglaro ang Nuggets na wala si guard Jamal Murray sa ika-5 sunod na pagkakataon dahil sa right knee at ankle soreness.
Nanguna si Evan Mobley para sa Cleveland na may 23 points, tumipa si Jarrett Allen ng 19, umiskor si Caris LeVert ng 15 points at nagdagdag si Donovan Mitchell ng 13 sa kanyang ikalawang laro makaraang bumalik mula sa anim na larong pagliban dahil sa broken nose.
Ang Cavaliers, na natalo sa walo sa kanilang huling 12 games, ay naglaro na wala si forward Dean Wade dahil sa sprained right knee.