LAKERS KAMPEON SA NBA CUP

NAGSALANSAN si Anthony Davis ng 41 points, 20 rebounds, 5 assists at 4 blocked shots at dinispatsa ng Los Angeles Lakers ang Indiana Pacers, 123-109, noong Sabado ng gabi sa in-season tournament championship game ng NBA Cup sa Las Vegas.

Umiskor si Austin Reaves ng  28 points mula sa  bench at nagdagdag si LeBron James ng 24 points at  11 rebounds para sa Los Angeles. Nagtala si D’Angelo Russell ng 13 points at 7 assists para sa Lakers, na na-outrebound ang Pacers, 55-32.

Nakalikom si Tyrese Haliburton ng 20 points at 11 assists at gumawa rin si Bennedict Mathurin ng 20 points para sa Indiana.

Nag-ambag si Aaron Nesmith ng 15 points, kumabig si Obi Toppin ng 13 at nagposte sina Myles Turner at Isaiah Jackson ng tig-10 points para sa Pacers.

Si James ang itinanghal na in-season tournament MVP.

Ang Lakers ay  7-0 sa inaugural in-season tournament at tumapos ang Pacers sa 6-1. Ang bawat koponan ay 4-0 sa group play at nagposte ng dalawang knockout-round wins upang maisaayos ang title showdown.

Ang bawat player sa Los Angeles ay tatanggap ng $500,000, habang ang players sa Indiana ay makakakuha ng  $200,000.

Bumuslo ang Los Angeles ng 53.4 percent mula sa field habang naipasok lamang ang  2 of 13 mula sa  3-point range.

Naibuslo ng Indiana ang 36.8 percent ng mga tira nito at 10 of 41 mula sa 3-point range.