NAGTALA sina Trae Young at Dejounte Murray ng pinagsamang 50 points at tatlong players ng Atlanta Hawks ang kumana ng double-doubles sa 138-122 panalo laban sa bisitang Los Angeles Lakers noong Martes.
Isinalpak ni Young ang kanyang unang anim na 3-point shots at tumapos na may 26 points at 13 assists, ang kanyang ika-29 na double-double sa season. Nagbalik si Murray, na lumiban sa laro ng Atlanta noong Linggo dahil sa right hamstring tightness, upang umiskor ng 24 points — 10 ay sa fourth quarter upang pigilan comeback attempt ng Lakers. Nagdagdag si Murray ng 9 assists.
Nakakolekta rin ng double-doubles para sa Atlanta sina Jalen Johnson (19 points, 11 rebounds) at Clint Capela (13 points, 12 rebounds). Umiskor si Saddiq Bey ng 18. Bumalik din sa Hawks si De’Andre Hunter mula sa right knee inflammation na nag-sideline sa kanya magmula noong Dec. 6. Nalimitahan siya sa 16 minuto at gumawa ng 6 points.
Nakakuha ang Lakers ng 28 points at 6 assists mula kay Austin Reaves. Tumapos si LeBron James na may 20 points, 9 rebounds at 8 assists, at nagposte si Rui Hachimura ng 16.
Naglaro ang Lakers na wala si Anthony Davis (24.9 points, 12.1 rebounds) dahil sa left hip spasm at Achilles soreness. Nakuha ni Jaxson Hayes, may averages na 9.6 minutes per game, ang kanyang ikalawang start sa season at nakakolekta ng 6 points at 6 rebounds sa loob ng 24 minuto.
Celtics 129, Pacers 124
Nagbuhos si Jayson Tatum ng game-high 30 points, na sinamahan ng 7 rebounds at 7 assists, upang tulungan ang Boston Celtics na pataubin ang bisitang Indiana Pacers.
Tumipa si Jaylen Brown ng 25 points at nagdagdag si Derrick White ng 24 para sa Celtics, na naipasok ang 17 sa kanilang 36 3-point attempts.
Naghabol ang Pacers sa 127-124 matapos ang layup ni Aaron Nesmith, may 1:04 sa orasan, subalit pinalobo ng Boston ang kanilang kalamangan sa limang puntos sa dalawang free throws ni Jrue Holiday, may 16.1 segundo ang nalalabi. Kumana si Holiday ng 17 points sa panalo.
Tinapos ni Nesmith ang laro na may 26 points, 12 rebounds at 7 assists. Umiskor si Pascal Siakam ng 23 points at nag-ambag si Myles Turner ng 17.
Naglaro si Tyrese Haliburton matapos lumiban sa 10 sa huling 11 games ng Indiana dahil sa hamstring injury, ngunit ang Pacers ay sumalang na wala sina Bennedict Mathurin (toe sprain) at T.J. McConnell (illness). Umiskor si Haliburton na may 13 points at nagbigay ng 10 assists sa loob ng 22 minuto.
Naglaro ang Boston na wala sina Al Horford (neck sprain) at Luke Kornet (hamstring), subalit balik sa limeup si Kristaps Porzingis makaraang mawala ng dalawang laro dahil sa sprained ankle. Sumalang si Porzingis sa loob ng 24 minuto at nakalikom ng 17 points at team-high 12 rebounds.
Umiskor si White ng 15 points sa first quarter upang tulungan ang Boston na kunin ang 36-26 lead makalipas ang 12 minuto. Pinalobo ng Celtics ang kalamangan sa 79-59 sa 3-pointer ni Tatum, may 1:22 ang nalalabi sa half at kinuha ang 81-66 bentahe sa halftime.
Bumuslo ang Boston ng 65 percent (30 of 46) sa first half, 12 of 20 3-point attempts. Ang 81 points ang pinakamalaking naiskor ng Celtics sa half ngayong season.