KUMANA si LeBron James ng 33 points at nag-ambag si Anthony Davis ng 32 upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa pagsikwat ng 2-0 lead sa NBA Finals sa pamamagitan ng 124-114 panalo laban sa Miami Heat sa Game 2 noong Biyernes (US time) sa Orlando.
Kumalawit din si James ng 9 rebounds at 9 assists para sa Lakers, na lumamang sa malaking bahagi ng laro. Humugot si Davis, na naipasok ang 15 sa 20 shots, ng 14 rebounds.
Nagdagdag si Rajon Rondo ng 16 points at 10 assists, habang gumawa sina Kentavious Caldwell-Pope at Kyle Kuzma ng tig-11 points apiece.
Nanguna si Jimmy Butler para sa Heat na may 25 points, 13 assists at 8 rebounds. Tumapos si Tyler Herro, 20, pinalitan si Magic Johnson bilang pinakabatang player na naging starter sa Finals, na may 17 points para sa Heat, na naglaro na wala sina center Bam Adebayo (shoulder strain) at guard Goran Dragic (plantar fascia tear in left foot).
Umiskor si Kendrick Nunn ng 13 points at nagdagdag si Jae Crowder ng 12.
Nakatakda ang Game 3 sa Linggo (US time).
Lumamang ang Lakers ng hanggang 18 sa third quarter subalit matikas na nakimahok ang Heat. Isang three-point play ni Olynyk at dala-wang foul shots ni Herro, may 48.8 segundo ang nalalabi sa quarter, ang tumapyas sa kalamangan sa 100-91 bago ang 3-pointer ni Rondo na muling nagpalobo sa bentahe sa double digits.
Abante ang Lakers sa 103-93 papasok sa fourth quarter. Umiskor si Davis ng 15 points sa third.
Nabigo ang Miami na pababain sa siyam na puntos ang kalamangan sa fourth quarter.
Isang layup ni Crowder ang naglapit sa Heat sa 47-43, may 4:38 ang nalalabi sa second quarter. Gayunman, tatlong free throws ni Kuzma ang nagselyo sa 9-2 run ng Lakers para sa 56-45 lead, may 3:06 ang nalalabi sa half.
Tinapyas ng Miami ang kalamangan sa 10 bago umangat ang Los Angeles sa 68-54 sa break. Umiskor si Davis ng 15 points sa 7-of-8 shoot-ing upang tulungan ang Lakers na ma-outshoot ang Heat, 55.3 percent sa 44.7 percent, sa first half.
Sa kabuuan, ang Heat ay bumuslo ng 50.7 percent sa 50.5 percent para sa Lakers.
Comments are closed.