LAKERS OLATS NA NAMAN

LAKERS

NAGBUHOS si Damian Lillard ng 41 points, kumana si Jerami Grant ng driving layup, may tatlong segundo ang nalalabi, at pinanatili ng unbeaten Portland Trail Blazers ang Los Angeles Lakers na wala pang panalo sa ilalim ni bagong coach Darvin Ham sa 106-104 panalo noong Linggo.

Naghabol ang Portland sa 102-95, may 1:56 sa orasan, ngunit tinapos ang laro sa 11-2 run at sinelyuhan ang panalo nang sumablay si LeBron James sa 17-footer sa buzzer.

Nagsalansan si James ng 31 points, 8 rebounds at 8 assists, habang tumapos si Anthony Davis na may 22 points, 10 rebounds at 6 blocked shots para sa Lakers na nahulog sa 0-3.

Warriors 130, Kings125

Naitala ni Stephen Curry ang 28 sa kanyang 33 points sa 89-point first half, at ginapi ng Golden State si dating top assistant Mike Brown at ang Sacramento.

Umiskor si Curry, naiposte ang kanyang ikatlong sunod na 30-point performance sa pagsisimula ng season, ng 21 points sa second quarter na may limang 3-pointers at bumuslo ng 11 for 22 overall, kabilang ang 7 of 12 sa 3s.

Tinulungan ng reigning NBA Finals MVP ang Golden State sa third-most points nito sa anumang half sa franchise history at second-most sa isang first half. Ang 50 points ng Warriors sa second quarter ay franchise record at napantayan nito ang third-most points sa anumang period.

Nagdagdag si Andrew Wiggins ng 24 points na may driving slam sa final buzzer at umiskor din si Jordan Poole ng 24. Nalimitahan si Klay Thompson sa 8 points sa 3-for-10 shooting.

Tumipa si De’Aaron Fox ng 26 points matapos ang dalawang 30-point games at nag-ambag si Domantas Sabonis ng 19 points at 14 rebounds, ngunit hindi naglaro sa fourth para sa winless Sacramento (0-3) sa ikalawang gabi ng back-to-back.

Sa iba pang laro ay naungusan ng Jazz ang Pelicans sa overtime, 122-121; ginapi ng Cavaliers ang Wizards sa OT, 117-107; kinatay ng Hornets ang Hawks, 126-109; namayani ang Timberwolves kontra Thunder, 116-106; at pinaso ng Suns ang Clippers, 112- 95.