LAKERS TINAMBAKAN ANG HEAT SA GAME 1

Lakers vs Heat

UMISKOR si Anthony Davis ng 34 points at kumalawit ng 9 rebounds nang tambakan ng Los Angeles Lakers ang Miami Heat, 116-98, sa Game 1 ng NBA Finals noong Miyerkoles (US time) sa Orlando.

Kumamada si LeBron James ng 25 points, 13 rebounds at 9 assists para sa Lakers, habang nagdagdag sina Kentavious Caldwell-Pope ng 13 points, Danny Green ng 11 at Alex Caruso ng 10 points.

Gumawa naman si Jimmy Butler ng 23 points at tumipa si Kendrick Nunn ng 18 points mula sa bench para sa Heat. Tumapos si Tyler Herro na may 14 points, at nagdagdag si Jae Crowder ng 12.

Nakatakda ang Game 2 ng best-of-seven series sa Biyernes (US time).

Ang injuries, bukod sa solid play ng Lakers, ang pumilay sa Heat. Nawala sa Miami si guard Goran Dragic sa first half dahil sa left foot injury, at hindi na siya bumalik. Hindi na rin nakabalik si center Bam Adebayo makaraang ilabas dahil sa strained shoulder sa kalagitnaan ng third quarter.

Si Dragic, may average na 20.9 points per game sa postseason, ay tumapos na may 6 points sa 15 minutong paglalaro.

Samantala, nagtala si Adebayo, may average na 18.5 points at 11.4 rebounds sa postseason, ng 8 points sa 2-of-8 shooting sa loob ng 21 minuto.

Nakuha ng Lakers ang kontrol sa second quarter at umalagwa sa third. Sinimulan nila ang third sa pamamagitan ng 22-7 run para sa 87-55 lead makaraan ang dunk ni Davis sa kalagitnaan ng  period. Tangan ng Los Angeles ang 93-67 bentahe papasok sa fourth.

Bumanat ang Lakers, na naghabol ng hanggang 13 points sa first quarter, ng 13-0 surge, tampok ang 3-pointer ni Markieff Morris para sa 54-43 advantage, may limang minuto ang nalalabi sa second period. Pinalobo nila ang kalamangan sa 65-48 papasok sa break.

Na-outscore ng Los Angeles ang Miami, 34-20, sa second quarter.

Sa kabuuan, na-oushoot ng Lakers ang Heat, 45.2 percent sa 42.7 percent. Naipasok ng Los Angeles ang 25 sa 27 foul shots samantalang ang Miami ay 11 of 14 sa free throw.

Comments are closed.