LAKERS TUMBA SA KINGS SA 3OT

NAGBUHOS si De’Aaron Fox ng 34 points at 8 assists at umiskor si Buddy Hield ng 25 points mula sa bench nang maitakas ng Sacramento Kings ang 141-137 triple-overtime win kontra host Los Angeles Lakers Biyernes ng gabi.

Nagsalansan si Tyrese Haliburton ng 19 points, 9 assists, 6 rebounds at 5 steals para sa Kings, na binura ang 13-point, fourth-quarter deficit upang umangat sa 2-1 sa ilalim ni interim coach Alvin Gentry.

Tumipa si LeBron James ng 30 points, 11 assists at 7 rebounds at nagdagdag si Russell Westbrook ng 29 points, 11 assists at 10 boards para sa Lakers, na natalo sa ika-5 pagkakataon sa nakalipas na pitong laro. Nag-ambag si Anthony Davis ng 23 points, 8 rebounds at 4 blocked shots, habang gumawa si Malik Monk ng 20 points.

Ang inside basket ni Marvin Bagley at ang hoop ni Fox ang nagbigay sa Sacramento ng 135-128 kalamangan, may 1:52 ang nalalabi sa ikatlong overtime. Lumapit ang Lakers sa 139-137 sa 3-pointer ni Carmelo Anthony, may 9.4 segundo ang nalalabi, bago isinalpak ni Hield ang dalawang free throws, may 6.5 segundo ang nalalabi upang selyuhan ang panalo.

Warriors 118,

Trail Blazers 103

Kumamada si Stephen Curry ng game-high 32 points upang pangunahan ang Golden State laban sa Portland sa San Francisco.

Ang panalo ay ika-10 sunod ng Warriors sa home.

Bumuslo si Andrew Wiggins ng 10-for-16 sa isang 25-point performance para sa Warriors, at nag-ambag si Draymond Green ng 12 points, 12 assists at 8 rebounds.

Nakakuha ang Trail Blazers, nahulog sa 1-9 sa road, ng team-high 19 points mula kay reserve Anfernee Simons.

Sa iba pang laro: Bucks 120, Nuggets 109; Pelicans 98, Jazz 97; Wizards 101, Thunder 99; Spurs 96, Celtics 88; Pacers 114, Raptors 97; Bulls 123, Magic 88; Suns 118, Knicks 97; Hornets 133, Timberwolves 115;Clippers 107, Pistons 96; Hawks 132, Grizzlies 100.