DINUROG ng Los Angeles Lakers, pinangunahan ni LeBron James na nagbuhos ng 30 points, ang New Orleans Pelicans, 133-89, upang umusad sa finals ng inaugural NBA in-season tournament nitong Huwebes.
Makakasagupa ni James at ng Lakers ang upstart Indiana Pacers para sa NBA Cup sa Las Vegas sa Sabado.
Naibuslo ni James ang siyam sa kanyang 12 attempts mula sa floor, kabilang ang four-of-four mula sa three-point range. Nakalikom siya ng 30 points, 5 rebounds at 8 assists, sa wala pang 23 minutong paglalaro.
Hindi siya ipinasok sa buong fourth quarter kung saan inilabas ng parehong koponan ang kanilang starters. Nakontrol at na-outscore ng Lakers ang Pelicans, 43-17, sa third period.
Samantala, umiskor si Tyrese Haliburton ng 27 points upang igiya ang Indiana Pacers sa 128-119 panalo laban sa Milwaukee Bucks at maisaayos ang title showdown sa Lakers.
Nagdagdag si Haliburton ng 15 assists, na walang turnover, at nagtala si Myles Turner ng 26 points at kumalawit ng 10 rebounds para sa Pacers na nanatiling unbeaten sa torneo.
Sinibak ng Indiana, sixth sa Eastern Conference regular-season standings, ang East-leading Boston Celtics sa quarterfinals at sinundan ito ng isa pang impresibong panalo laban sa 2021 NBA champion Bucks, na pinangunahan ng 37 points at 10 rebounds mula kay two-time NBA Most Valuable Player Giannis Antetokounmpo.
Ang torneo ay isang coming-out party para kay Haliburton at sa Pacers, na pumasok sa laro nitong Huwebes na may average na mahigit 128 points per game.
“I think this was the whole point of the in-season tournament, to see a young group like ourselves compete and come out here and fight,” sabi ni Haliburton. “I think we’re shocking the world right now. Nobody expected us to be here except for the guys in the locker room.”