LALAGDAAN ng Pilipinas at Cambodia ang double taxation agreement (DTA) sa susunod na taon, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na ang kasunduan ay nakatakdang lagdaan sa February 2025.
Ang DTA draft ay naisapinal noong April 19, 2024.
Sa ilalim ng kasunduan, ang Cambodia at Pilipinas ay nagkasundo na pagaangin ang bigat ng double taxation sa mga indibidwal at negosyo na nag-ooperate sa borders, na maaaring makatulong sa pag-alis ng mga hadlang sa trade at investment at sa paghikayat ng cross-border economic activities.
Ang DTA ay kinapapalooban ng taxation ng income na kinita ng mga mamamayan at residente ng Pilipinas at Cambodia, at binabalangkas kung paano ipapataw ang bawat tax administration at ike-credit ang mga buwis na binayaran alinsunod sa tax rules sa parehong bansa.
Ang negosasyon sa DTA ay nagsimula noong 2018 sa Manila, at sinundan noong 2019 sa Siem Reap, Cambodia.
Naunang sinabi ng DOF na ang kasunduan ay nakatakda sanang pirmahan noong Oktubre ng kasalukuyang taon.
“There was a request from Cambodia to move signing to February,” ani Recto.
Sa hiwalay na statement, sinabi ni DOF Revenue Operations Group Undersecretary Charlito Martin Mendoza na bukod sa Cambodia, may isinasagawa ring DTA negotiations sa Lao PDR
Plano rin ng DOF na i-renegotiate ang DTAs sa Indonesia, Malaysia, at Singapore.
Sinabi ni Mendoza na layon ng mga kasunduan na ito na suportahan ang local businesses sa kanilang international ventures.
“These agreements protect our tax rights while facilitating cross-border trade and investment. Expanding our DTA network, particularly within ASEAN (Association of Southeast Asian Nations), allows Filipino businesses to diversify their markets with fewer tax burdens, boosting their competitiveness abroad,” aniya .ULAT MULA SA PNA