ARESTADO ang isang 26-anyos na electronics engineer makaraang mahulihan ito ng iba’t bang uri ng bala at pampasabog sa EDSA station ng Metro Rail Transit (MRT) kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay City police chief Colonel Bernard Yang ang suspek na si Xavier John Sumaya, residente ng 137 Villa Leoncia Subdivision, Pila, Laguna.
Base sa report na isinumite ni Yang sa Southern Police District (SPD), nahuli si Sumaya nang inspeksiyunin ng security guard na si Recy Bulan, 27-anyos, sa pamamagitan ng X-Ray machine ang gamit ng suspek na nasa northbound ng EDSA MRT station dakong alas- 8:20 ng gabi kamakalawa.
Ayon kay Bulan, nang ilagay ng suspek ang dala nitong gamit sa X-Ray machine ay laking gulat nito nang makita nito sa monitor ang iba’t ibang uri ng bala ng baril at pampasabog.
Dahil dito, agad na inimbitahan ang suspek at dinala sa Baclaran Police Community Precinct (PCP) para sa dokumentasyon.
Narekober sa posesyon ni Sumaya ang isang piraso ng M203 na ammunition, 2 piraso ng .45 na bala, 2 pirasong bala ng M-16, 2 pirasong bala ng kalibre .40, 2 bala ng kalibre .38 pistol at dalawang bala ng .9mm.
Si Sumaya ay itinurn-over ng Baclaran-PCP sa Station Investigation Division and Management Branch (SIDMB) ng Pasay City police para sa kaukulang disposisyon at imbestigasyon sa naturang suspek.
Kasong paglabag sa RA 9516 (illegal possession of explosives) at RA 10591 (illegal possession of ammunition) sa Pasay City prosecutor’s office ang hinaharap ni Sumaya na sa kasalukuyan ay nakapiit sa detention facility ng Pasay City police. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.