LAMAY INARARO NG KOTSE, 3 NAPURUHAN, 4 PA SUGATAN

Lamay

LAGUNA – TATLO katao ang iniulat na nasawi habang apat pa ang malubhang nasugatan matapos aksidenteng mabundol ng rumaragasang kotse ang isang tricycle bago tuluyan nitong inararo ang isang lamay sa bahagi ng Highway ng Brgy. Sta. Maria Magdalena, San Pablo.

Batay sa ulat ni Police MSgt. Henrico Gaspar, may hawak ng kaso, nakilala ang mga nasawi na sina Albert Gavia Rivera, 52, ng Brgy. Del Remedio; Byroon Alcantara Santiago, 26, at isang Edsil Tambo-Ong, nasa hustong gulang, kapwa ng Brgy. Sta Maria Magdalena.

Sinasabing kapwa idineklarang dead on arrival sa Pagamutang Panlalawigan ng Laguna ang mga biktima bunsod ng tinamong mga sugat sa kanilang ulo at katawan matapos masapul ang mga ito ng kotseng minamaneho ng isang alyas Jay Christian, 24, ng Brgy. San Marcos, San Pab­lo.

Samantala, magkakasunod ding isinugod sa pagamutan ang suspek kabilang ang tsuper ng tricycle na si Kevin Devera Estrel-lanes, Victor Camus Lumbao, isang supervisor, at Arnel Buenaventura, pawang mga residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, dakong alas-11:00 ng gabi habang papauwi na umano ang suspek lulan ng minamaneho nitong kotse na Honda Civic may plakang UUV-251 nang aksidente nitong mabundol ang nasa unahan nitong tricycle na minamaneho ni Estrel-lanes dahilan para mawasak at mahati pa ito sa dalawang bahagi.

Dahil aniya sa sobrang tulin bunsod ng matinding kalasingan ng suspek, nagawa pa nitong suyurin sa kaliwang bahagi ng kalsada ang pinaglalamayang patay, samantalang ang mga biktima na pawang nakikipaglamay ay hindi ina­asahang madamay sa aksidente.

Kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physical injuries and damage to property at paglabag sa RA-10586 Anti Drunk Driving Law ang nakatakdang isampang kaso ng pulisya sa piskalya laban sa suspek. DICK GARAY

Comments are closed.