NANAWAGAN si ACT-CIS partylist Cong. Eric Go Yap na dapat ay magsilbing aral at babala sa mga mining companies sa Benguet at sa iba pang parte ng bansa ang nangyaring landslide sa isang minahan sa Yangon, Myanmar na ikinasawi ng mahigit 160 jade miners kamakailan.
Ayon kay Yap, hindi na isolated case ang mga ganitong insidente dahil sa ilang mga iresponsableng minahan sa ilang mga bansa na naglalagay sa peligro sa mga minero.
“This is an eye-opener. It can happen anywhere and anytime. Ito ‘yung gusto natin na maiwasan na mangyari dito sa atin . Hindi namimili ng panahon ang kalamidad o aksidente,” ani Yap na siya ring caretaker ng Benguet.
Kaya naman maghahain daw ng resolusyon ang mambabatas para silipin kung nasa standard ba ang operasyon ng mga minahan sa bansa, ang kaligtasan ng mga minero at kung sapat ba ang kanilang benepisyo at kompensasyon sakaling may sakuna.
“Sa muling pagbubukas ng Kongreso, magpa-file tayo ng resolusyon para tiyakin na sumusunod sa ipinapatupad na regulations ang mining companies, partikular sa probinsya ng Benguet na sentro ng malalaking minahan sa bansa” anang kongresista.
“Benguet is very rich in natural resources. Mining is not the problem itself, the real problem lies on the standards and regulations kung nasusunod ba ng mga kumpanya ito lalo na ang kaligtasan ng mga minero at ang kinabukasan ng kanilang pamilya”, dagdag ni Yap.
Giit pa ni Yap nais lamang niya na masiguro ang kaligtasan ng mga mga tao lalo na ang mga minero sa panganib bago pa mangyari ang isang trahedya. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.