NAGBABALA ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga bagong landslide sa pagpasok ng bagyong Paeng ngayong linggo.
Dahil malambot pa ang lupa sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Ompong, sinabi ni Rene Paciente na simula sa kalagitnaan ng linggong ito ay makararanas na ng mahina hanggang katamtamang ulan sa Hilagang Luzon dahil sa bagong bagyo.
Habang sa Cordillera area naman na kahit katamtamang ulan o thunderstorm, posible pa ring magdulot ng pagguho ng lupa kaya pinayuhan nito ang mga nakatira sa bulubundukin na lisanin na ang lugar na prone sa landslide.
Ayon sa weather bureau, hindi magdadala ang bagyong Paeng ng maraming ulan gaya ni Ompong pero asahan pa rin ang malakas na ulan at hangin sa tip ng Northern Luzon o sa Batanes-Babuyan Islands area sa darating na Biyernes.
Habang papalapit si ‘Paeng’ ay makararanas ng light to moderate rains at thunderstorms ang Northern at Central Luzon simula sa Miyerkoles, Setyembre 26, 2018. NENET VILLAFANIA
MALAWAK NA EVAC INUTOS
BILANG paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Paeng, naglabas na ng advisory ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lokal na pamahalaan sa Itogon, Benguet.
Sa budget hearing, ipinag-utos na ng DENR na magsagawa ng mas malawak na evacuation sa Barangay Ucab na apektado ngayon ng malagim na landslide.
Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda na naipadala na nila sa Itogon ang advisory.
Paliwanag ni Antiporda, nasa high level imminent danger ang buong Barangay Ucab dahil nakita na mas humaba pa ang bitak doon.
Tiyak aniya na guguho ulit ang lupa lalo pa’t 70% ng lupa sa Benguet ay natukoy ng DENR na landslide prone area.
Dahil dito, inirekomenda na ng ahensiya na magsagawa ng force evacuation sa lugar kung kinakailangan at maging sa mga kalapit na barangay.
Dagdag pa nito, kahit noong bagyong Ompong ay nakapagpadala sila ng maagang advisory sa LGU ng Benguet na nagpapa-evacuate sa mga residente dahil sa malambot na texture ng lupa at posibleng landslide na mangyari dahil sa lakas ng bagyo. CONDE BATAC
Comments are closed.