LARGEST HUMAN SENTENCE NG INC PASOK SA GUINNESS

NAKOPO ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang bagong Guinness World Records para sa Largest Human Sentence.

Ayon sa Guinness World Records, umabot sa 23,235 ang participants o nakibahagi sa human sentence na “Proud to be a member of Iglesia Ni Cristo.”

“You are officially amazing,” ayon kay Paulina Sapinska, Guin­ness Adjudicator, kasabay nang pag-anunsiyo na naagaw na ng INC ang bagong Guinness World Records for Largest Hu­man Sentence mula sa India na nasa 16,000 la­mang.

Ang naturang record ay naitala ng INC nang idaos ang Worldwide Walk to Fight Poverty ka­hapon sa Quirino Grand­stand sa Rizal Park, Er­mita, Manila.

Ayon sa Manila Po­lice District (MPD), pag­sapit ng 10:00 ng umaga ay umaabot na sa 1.5 milyong INC members  ang nagtitipon sa Quirino Grandstand para sa naturang aktibidad.

Naging mapayapa naman ang pagtitipon sa tulong ng masigasig na pagbabantay at pagbibi­gay ng seguridad ng libo-libong tauhan ng MPD.

Bitbit ang mga flaglet at nakasuot ng puti, nag­tungo ang grupo sa Roxas Boulevard hanggang Quirino Grandstand para sa charity walk na isina­gawa para makatulong sa mga mahihirap sa Africa.

Mula pa sa iba’t ibang lugar ang mga kasapi ng INC na lumahok sa walk­athon, kabilang ang mga bata at matanda.

Pagsapit naman ng 9:00 ng umaga ay na­kapagtala na ang MPD ng 20 indibidwal na nangailangan ng medical attention matapos makaramdam ng pagkahilo at pagtaas ng presyon dahil sa labis na pagod at init.

Ilan naman sa mga kilalang indibidwal na nakiisa sa aktibidad ay sina Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar, Senator Jayvee Ejercito Estrada, National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief Director Camilo Pancra­tius Cascolan, Manila Police District (MPD) Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, Southern Police District (SPD) Director P/Chief Supt. Tomas Apolinario at Ka Erds Codera ng INC.

Sabayang isinagawa ang Worldwide Walk to Fight Poverty sa may 300 lugar sa buong mundo.

Ito ang ikalawang beses na ikinasa ang event, na unang idinaos noong 2014 para tulungan ang mga biktima ng Bagyong Yolanda. ANA ROSA­RIO HERNANDEZ

Comments are closed.