LAS PIÑAS CITY 100% COMPLIED SA ROAD CLEARING ORDER NG DILG

Road Clearing

IPINAGMALAKI ni Las Piñas City Mayor Imelda T. Aguilar na isang buwan bago matapos ang deadline na itinakda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pagsasagawa ng road/sidewalk clearing operations ay maagang tinapos ng lokal na gob­yerno ang 100 porsiyento ng pagpapatupad nito upang malinis sa anumang obstruction ang mga kalsada sa lungsod.

Kasabay nito, inatasan ni Aguilar ang Task Force Kaayusan at ang mga opisyales ng 20 barangay sa siyudad sa pa­tuloy na pagmo-monitor sa mga nilinis at ginibang mga nakahambalang sa kalsada upang hindi na muli pang makapagtayo ng mga ilegal na estruktura na humaharang sa mga daanan at pedestrian lanes.

“Tinapos na namin ang paglilinis sa mga obstruksiyon sa mga pangunahing kalsada kabilang ang mga ilegal na mga nakaparadang sasakyan gayundin ang mga illegal vendors sa unang buwan pa lamang ng aming operasyon na hindi na lang muna namin ibinalita dahil dati na rin naman na­ming ginagawa ito bago pa man naglabas ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Aguilar.

“Sumulat na rin kami sa mga homeowner ng iba’t ibang villages at subdivisions sa siyudad na nasasakupan ng Friendship Route na boluntartyo na nilang alisin ang mga ilegal na nakaparadang sasakyan gayundin ang mga plant boxes sa mga bangketa upang magamit ito ng mga pedestrians,” dagdag pa ni Aguilar. MARIVIC FERNANDEZ