NANALASA si University of Santo Tomas superstar Eya Laure upang tulungan ang Golden Tigresses na pumasok sa Holy Week break na may back-to-back victories sa UAAP women’s volleyball.
Noong Palm Sunday, ang Tigresses ay sumandal sa 29-point explosion ni Laure nang putulin nila ang perfect start ng De La Salle University sa Season 85. Naitala ni Laure ang lahat ng kanyang points sa kills upang buhatin ang UST sa 25-19, 14-25, 25-18, 25-12 panalo kontra Lady Spikers.
Na-convert ng veteran hitter ang 45% ng kanyang attacks tungo sa ika-7 panalo ng UST laban sa 3 talo.
Laban sa University of the East, si Laure ay umiskor ng 17 points upang ibalik ang Tigresses sa win column makaraang yumuko sa Adamson sa kanilang naunang laro.
Ang kanyang ipinamalas ay nagbigay kay Laure ng Collegiate Press Corps UAAP Player of the Week honors para sa March 29 to April 2 period.
Si Laure ang unanimous choice ng print at online journalists na nagko-cover ng UAAP games, kung saan tinalo niya si fellow Tigress Detdet Pepito para sa award, gayundin si dating Player of the Week winner Angel Canino of La Salle. Ang iba pang contender para sa parangal ay sina FEU’s Chenie Tagaod, NU’s Bella Belen, at Adamson’s Kate Santiago.