HALOS kumpleto na ang lineup ng Team USA para sa Paris Olympics, na kabibilangan ni Stephen Curry na sasabak sa unang pagkakataon sa Games.
Ayon sa ESPN, sinementuhan na ng koponan, sa pangunguna ni managing director Grant Hill, ang 11 sa 12 puwesto sa lineup, at ang nalalabing isa ay pupunan matapos ang training camp sa Hulyo. Tampok din sa roster sina LeBron James at Anthony Davis ng Los Angeles Lakers at Kevin Durant at Devin Booker ng Phoenix Suns. Si James ay nasa kanyang unang Olympic appearance magmula noong 2012 at ika-4 sa kanyang career.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Jayson Tatum at Jrue Holiday ng Boston Celtics, Anthony Edwards ng Minnesota Timberwolves, Bam Adebayo ng Miami Heat at Tyrese Haliburton ng Indiana Pacers.
Si Curry ay hindi napili para sa koponan na sumabak sa 2012 London Games, na naganap matapos ang kanyang ika-3 taon sa NBA at bago siya sumikat bilang isa sa ‘greatest shooters’ sa kasaysayan ng liga.
Umatras siya sa mga pagpipilian para sa roster noong 2016 dahil sa multiple nagging injuries at tinanggihan ang 2021 Tokyo Games.
Si Golden State Warriors coach Steve Kerr ang magsisilbing head coach ng Team USA habang assistants sina Los Angeles Clippers coach Tyronn Lue, Heat coach Erik Spoelstra at Gonzaga coach Mark Few.