BALIK na sa paglalaro si Los Angeles Lakers superstar LeBron James, inilagay sa health and safety protocol ng NBA nitong linggo makaraang ianunsiyo nito na nagpositibo ang player sa COVID-19.
Makaraang magnegatibo sa maramlng tests para sa virus, si James ay pinayagan nang maglaro. Lumiban siya sa laro ng Lakers noong Martes kontra Sacramento Kings dahil sa COVID protocol.
“James was originally placed in the Protocols on Tuesday, November 30 after a series of tests delivered conflicting results, including an initial positive test that was collected on November 29,” ayon sa isang statement ng NBA noong Huwebes. “Additional testing confirmed that he is not a positive case.”
Magiging hosts ang Lakers sa Los Angeles Clippers sa Biyernes ng gabi.
Noong September ay sinabi ni James na tumanggap siya ng bakuna kontra COVID bagaman noong una ay hindi, aniya, siya sigurado na magpapabakuna.
Ang mga vaccinated player ay kailangan pa ring sumailalim sa quarantine kapag nagpositibo, nagpakita man sila ng sintomas o hindi. Hindi sila kinakailangang mag-quarantine para sa close contact sa isang positive case, ngunit isasailalim sila sa test para sa coronavirus.
Si James ay nakapaglaro sa 11 games lamang ngayong season dahil sa abdominal strain. May average siya na 25.8 points, 6.8 assists at 5.2 rebounds kada laro.