LIBO-LIBONG aplikante ang dumagsa sa isang job fair na eksklusibo para sa online job seekers noong Biyernes.
Patunay lamang ito sa dumaraming gustong mag-work from home.
Sinabi sa ABS-CBN News Online ng organizer MK Bertulfo, na siya ring founder ng GetHired at ng social enterprise Filipina Home-Based Moms, na maraming kompanya ang nag-aalok ngayon ng online work o hybrid work options.
Aniya, maraming Pilipino ang nag-a-adapt din sa nagbabagong trends sa employment.
“Marami na ang working from home. Mas tinanggap na siya ng mga Filipinos. And even the companies are considering to hire virtual assistant and remote workers,” sabi ni Bertulfo.
Sinabi niya na nagdaos sila ng isang on-site event upang tipunin ang lahat ng kompanya na nag-aalok ng online work, gayundin ang government agencies upang tulungan ang mga empleyado.
Ayon kay Bertulfo, libo-libong trabaho ang inalok sa job fair at patuloy, aniya, ang hiring kahit pagkatapos ng fair.
Kabilang sa mga inalok na trabaho ay voice at non-voice work.
“Mayroon tayo customer service na e-mail and chat. Mayroon din naman social media marketing, virtual assistants, accounting. Even mga jobs na di natin ine-expect na mayroon online like engineering,” aniya.
Ang mga nais magtrabaho online ay kailangang may maayos na internet connection sa bahay.
Nakikipag-ugnayan na ang grupo ni Bertulfo sa Department of Information and Communications Technology upang matulungang protektahan ang online workers at itulak ang mas mahusay na internet connectivity.