LIBO-LIBONG STRANDED OFWs PINAUWI NA NI DUTERTE SA KANI-KANILANG PROBINSIYA

Duterte

LIBO-LIBONG overseas Filipino workers (OFWs)  na papauwi ng kanilang mga probinsiya  ang dumagsa at pumila nang ilang oras  habang naghihintay ng kanilang flight sa  Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa Parañaque City.

Ang nasabing mga OFW ay  ilang linggo nang stranded  sa mga cruise ship, hotels at iba pang quarantine facility dahil sa mandatory  quarantine matapos mag-uwian bunga ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), nasa 3,500 repatriated OFWs na ang  natapos  ang mandatory quarantine,  at nagpahayag ng kagustuhang makauwi na sa kani-kanilang lalawigan kaya iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad na pauwiin ang  mga ito.

Binigyan lamang ng Pangulo ng hanggang ngayong linggo ang OWWA, Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensiya upang mapauwi na ang 24,00 repatriated OFWs.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque  na nagbanta ang Pangulo na may mananagot umano kapag hindi ito nangyari.

Matatandaaang libo-libo seafarer ang na-stranded din sa mga cruise ship na nakadaong sa Manila Bay dahil hindi pa umano sila makauuwi ng kani-kanilang pamilya dahil kailangan pa nilang matapos ang quarantine bago bumaba  ng barko.

Comments are closed.