KASABAY ng pagbati sa publiko ng maligayang pagdiriwang ng Pasko, hindi pa rin nakalimutan ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang tuloy-tuloy na pagtulong sa mga nasalanta ng super typhoon Odette sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa programang Dos Por Dos ni Anthony Taberna at Gerry Baja sa DZRH kamakailan, inanunsiyo ni Marcos na libong galon na ng tubig at libo-libo ring filtration kit ang ipinadala nila sa mga biktima ng bagyong Odette.
“Ang kritikal ngayon sa panahon na ito, which is few days after ng bagyo, ay tubig. Kayat nagpadala kami ng almost 30 tons ng tubig sa iba’t ibang lugar. Ang isusunod namin ay yung filtration kit,” ani Bongbong.
Iginiiit pa ni Bongbong na importante ngayon ang mga filtration kit dahil halos walang mapagkunan ng malinis na tubig ang mga binagyong residente. Bukod sa madaling gamitin mabilis nitong matutugunan ang problema sa tubig.
“Tamang -tama ito, talagang naka-design ito para sa mga ganyang biglaang disaster na nawalan ng water supply. Ito simpleng-simple lang. Kukuha ka ng balde bubutasin mo ilalagay mo yung filter dun sa butas at doon lalabas na yung tubig. Yung balde punuin mo ng tubig kahit saan galing,” paliwanag ni Bongbong.
Dagdag pa ng dating senador, ang isang filtration kit ay kayang makapag-produce ng malinis na tubig para sa 100 tao sa isang araw.
“Kayat kumukuha kami ng marami niyan para kahit hindi na madala yung bote-bote na tubig ay meron pa ring tubig ang tao,” ani Bongbong.
Sinabi pa ni Bongbong na alam nila ang pangangailangan ng mga tao base na rin sa naging karanasan nila sa pagtulong noong bagyong Yolanda na pinaka-grabeng tumama sa bansa noong 2013.
“Yun ang mga natutunan namin nung Yolanda e. Tubig talaga is the first thing. After makapagdala ng pagkain, then tubig at ang susunod na ay yung reconstruction material,”
Kasabay nito, inihayag din ni Bongbong na sa susunod na linggo ay nakatakda naman silang magpadala ng barko sa Palawan na malubha ring naapektuhan at tinamaan ng bagyo.
“Lumalabas ang balita sa Palawan na medyo mabigat ang tama, kaya’t nagpadala na kami ng barko at sasalubungin namin. Dahil hindi pa pwede lumipad ngayon, kaya’t nagpadala na muna kami ng barko na may dalang mga gamit at relief goods para sa mga naging biktima ng Odette,” dagdag pa ni Bongbong.
Nauna nang hinatiran ng tambalan nina Bongbong at Sara Duterte ang mga lugar sa Siargao, Surigao, Bohol, Maasin, Cebu, Masbate at iba pang mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Giit nila, tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong kahit na nagdiriwang ang bansa ng Pasko at Bagong Taon.