LIBRENG SAKAY SA EDSA CAROUSEL MALABO PA

MAS maliit ang budget na inilaan ng gobyerno para sa pagpapatuloy ng service contracting program ngayong taon.

Bunga nito, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board ( LTFRB) Executive Director Joel Bolano na kailangan nilang pagkasyahin ang pondo para sa libreng sakay.

Nilinaw ni Bolano na patuloy ang pagpoproseso ng mga dokumento para sa implementasyon ng proyekto kaya wala pa silang masabing petsa kung kailan ito muling ipatutupad.

Aniya, marami pang pinag-uusapan o pinaplantsa para sa paraang gagamitin sa programa.

Kung matatandaan, sa mga nakalipas na pag-iral ng programa ay libreng sakay o walang pamasaheng binabayaran ang publiko sa pagsakay sa Bus Carousel sa EDSA.

Dahil dito, mapuno man o hindi ang mga nakapilang bus sa carousel, bayad o tumatanggap ng sahod ang mga driver nito.

Nabatid naman na sa mga naunang panukala, maaaring magpatupad na lamang ng discounted fare o nangangahulugang may babayaran na ang mga mananakay.