NASAKOTE ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang lider na responsable sa panloloob ng isang convenience store at kasamahan nito noong Huwebes sa Quezon City.
Kinilala ni QCPD Acting Director P/Col Ronnie S. Montejo ang mga suspek na sina Arvin Pancho alyas Niño, lider ng grupo, 33-anyos, ng Brgy. Greater Fairview; Reymar Cadigoy, 25-anyos; Danilo Bautista, 43-anyos, grab driver at operator; at si Jouiejay Lacaba, 25-anyos, na residente ng Brgy. Commonwealth.
Sa ulat na nakuha ni Fairview Police Station (PS 5) Chief PLTCol Carlito Mantala, bandang alas-9:20 ng gabi, habang naglalakad si Elizabeth Erasmo, 50-anyos, sa may Camaro St., Brgy. Greater Fairview ay bigla hinarang ito ng mga suspek na lulan ng isang gray Nissan Almera na may plakang NAD 9805 at pilit na kinuha sa biktma ang cellphone at wallet na naglalaman ng P5,000 cash habang tinututukan ito ng baril na agad na tumakas matapos ang krimen.
Dahil dito, mabilis na nagtungo ang biktima sa PS 5 at nakilala ang suspek na si Pancho matapos ipakita rito ang gallery ng talaan ng posibleng suspek sa naturang krimen.
Agad namang nagkasa ng follow-up operation ang awtoridad at natunton ang sasakyan at bahay ng mga suspek sa tulong ng isang impormante sa may Litex, Brgy. Payatas.
Nakuha mula sa mga suspek ang gamit ng biktima na puting Huawei cellphone, cal. 38 revolver armscor na walang serial number at naglalaman ng 3 bala, 1 cal. 38 revolver special CTG na may trademark protector na MFG na may lamang bala at 3 misfired ammunition, improvised shotgun (sumpak) na may ammunition na pang 12 gauge shotgun, M-203 grenade launcher at ang nasabing sasakyan.
Napag-alaman na ang mga suspek ay sila ring responsable sa pagnanakaw sa convenience store sa Rolex Street, Brgy. Greater Fairview base sa nakuhang CCTV recording.
Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, R.A. 9516 or the Unlawful Possession of Explosives and Assault and Resistance to an Agent of Person of Authority. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.