ISINAILALIM ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III sa ‘lifestyle check’ ang lahat ng opisyal at kawani ng Bureau of Internal Revenue alinsunod sa direktiba ng Malacañang para sipatin ang uri ng pamumuhay ng mga ito sa kagustuhan ni Presidente Rodrigo ‘Digong’ Duterte na tuluyang masugpo ang korupsiyon sa nasabing tanggapan.
Saklaw ng ‘lifestyle check’ ang imbestigasyon sa dami ng mga ari-arian ng mga opisyal at kawani ng ahensiya, gayundin ang pera ng mga ito na nakatago sa bangko.
Inulit ni Secretary Sonny ang babala ni Pangulong Digong na agad sibakin sa puwesto ang sinumang masasangkot sa katiwalian matapos ang sunod-sunod na entrapment operations ng National Bureau of Investigation laban sa BIR personnel na inireklamo ng extortion o pangingikil sa taxpayers.
“Maliwanag ang mensahe ni Presidente Digong na corruption has no place in this administration, kaya sana ay huwag na kayong magtangkang gumawala ng anumang katiwalian sapagkat ito ang sisira, hindi lamang sa inyong reputasyon, kundi maging sa takbo ng pamumuhay ng inyong pamilya,” babala ni Secretary Dominguez.
Una nang inatasan ni Presidente Digong sina BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay at BOC Commissioner Isidro ‘Sid’ Lapena na bantayang mabuti ang kanilang mga opisyal at empleyado sa paggawa ng anumang katiwalian at agad sibakin sa puwesto para tuluyan nang maalis sa talaan ng ‘corrupt-ridden agencies’ ang BIR at BOC.
Bagamat mabilis na nasugpo nina Commissioners Dulay at Lapeña ang corruption matapos silang italaga sa puwesto, napuna ng Malacañang na tila unti-unti na namang bumabalik ang katiwalian sa dalawang naturang ahensiya, kung saan umabot sa mahigit 400 BIR officials and employees ang in-isyuhan ng ‘show cause orders’ at halos 200 naman sa BOC, bagay na ikinaalarma ng tanggapan ng Presidente.
Lalo namang naghigpit sina Commissioners Billy at Sid sa mga opisyal at kawani ng BIR at BOC kung saan nadakip kamakailan ng mga tauhan ng NBI sa isang ikinasang entrapment operations ang tatlong intelligence agents ng BIR Makati City Regional Investigation Division (RID) sa Gloria Marris, Greenhills, at San Juan City matapos ireklamo ng pangingikil ng taxpayers.
Agad namang dinismis sa serbisyo ng Office of the Ombudsman ang isang Revenue Group Supervisor na nakatalaga sa Tondo, San Nicolas District habang sinampahan ng kasong gross misconduct sa korte ang isang examiner sa Bacolod City.
Inaalam pa ng mga NBI investigator kung ang command responsibility sa pagkakadakip sa tatlong BIR agents sa Makati ay aabot sa regional director, revenue district officer o sa hepe ng RID dahil sa inisyung ‘mission orders’ na ginamit laban sa taxpayers na siyang ugat ng pangongotong.
Personal namang iniimbestigahan ni Secretry Dominguez ang report ukol sa diumano’y nagaganap na agawan ng mga tax case sa pagitan ng Large Taxpayers Service (LTS), National Investigation Division (NID) at ng Revenue District Officers (RDOs).
Ayon sa source, may 50 tax cases na kabilang sa 1st 200 top taxpayers ang kinuha ng NID sa LTS sa utos ng isang alyas ‘Abby’ mula sa kanyang ‘boss’ na si alyas ‘Gading’.
Tila ginantihan naman ng ‘in charge’ sa operations ang ginawang pagkuha ng NID sa tax cases mula sa LTS at dinukutan naman umano nito ng tig-10 tax cases ang mga RDO, hindi lamang sa Metro Manila, kundi maging sa karatig probinsiya.
Sa nagaganap na agawan ng mga kaso, apektado dito ang koleksiyon ng LTS at RDOs dahil wala namang tax goal ang NID at ang trabaho nito ay ang mag-imbestiga at magsampa ng kaso sa korte at hindi ang direktang pangongolekta ng buwis.
Dahil sa mainit na sitwasyon sa agawan ng tax cases, nagbakasyon muna sa ibang bansa ang hepe ng LTS, gayundin ang nangangasiwa sa operations.
Ang pagpalag ng LTS sa NID at pagpalag din ng RDOs sa LTS sa agawan ng tax cases ang siya ngayong masusing sinisiyasat ni Secretary Dominguez para alamin ang lalim ng ugat nito at papanagutin ang sinumang nasa likod nito at makasuhan ng graft sa korte dahil sa posibleng malaking epektong idinulot sa tax collections sa kabuuan.
Para sa mga komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344 o mag-email sa erickbalane04@yahoo.
Comments are closed.