UPANG makuha ang tiwala ng publiko ngayong balik-operasyon na ang Philippine National Police –Drug Enforcement Group (PDEG), isasailalim sa lifestyle check ang mga tauhan nito.
Ayon kay bagong PDEG Director BGen Faro Antonio Olaguera, nakipag-ugnayan na siya sa Directorate For Intelligence para sa profiling ng kanyang mga tauhan.
Ang hakbang ni Olaguera ay bilang tugon sa direktiba ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na i-backround check ang mga personnel ng PDEG at salaing mabuti ang maa-assign sa nasabing drug unit ng PNP.
Magugunitang nakaladkad ang PDEG sa isyu ng P6.7 bilyong shabu haul noong Oktubre 2022 kung saan nahuli ang isa sa tauhan nito na si dating MSgt. Rodolfo Mayo Jr., may-ari ng WPD Lending kung saan natagpuang ang halos isang tonelada ng shabu.
Ang kontrobersya ay umabot sa pagsibak sa puwesto ng dating direktor ng PDEG na si BGen. Narciso Domingo.
Bagaman itinanggi ni Domingo ang alegasyong tangkang cover-up, ang sinasabing dahilan ng pagkatanggal sa kanya ay command responsibility dahil pawang tauhan niya ang umano’y nangupit sa drug operation.
Nauna nang inamin ni Domingo na hindi siya nagdala ng sariling tauhan sa PDEG at nabulaga na ilan sa dating personnel ng nasabing drug unit ng PNP ay sangkot sa anomalya.
EUNICE CELARIO