LIM PINASALAMATAN NI ISKO SA PAGTATAYO NG UDM

UDM

GAYA ng pagkilala sa kanyang repustasyon bilang isang lider na kumikilala ng ambag at hindi kailanman nang-aagaw ng mga  kredito ng kanyang kapwa lider, ay pinasalamatan ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso si dating Mayor Alfredo Lim sa inisyatiba nitong itayo ang Universidad De Manila o UDM na nagbigay ng libreng kolehiyo sa mga high school student ng lungsod may 25 taon na ang nakararaan.

Sa kanyang mensahe sa 25th anniversary celebration ng UDM, sinabi niya sa UDM authorities, faculty members, workers at  students, na:  “Kung mayroon man tayong dapat kilalanin ngayong gabi na ito, gusto ko ilagay n’yo sa inyong isipan, sa inyong puso na ‘wag n’yong kalilimutan itong itinatag na institusyon para bigyan ng libre at maayos na edukasyon ang a­ting kabataan sa lungsod ng Maynila ay ipinagkaloob at kathang-isip ni dating Mayor Alfredo S.  Lim,  just so you know…we should know our real history …dahil ang hindi marunong lumi­ngon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan.”

“We give credit where it is due. We’re all here today because of one person’s idea or concept…Kaya tayo nagsasama-sama dito ngayon ay dahil kay Alfredo Lim na dating alkalde ng lungsod ng Maynila,” dagdag pa ni Moreno.

Bilang ganti ayon kay Moreno ay obligasyon na ng mga estudyante  ng UDM na pagbutihin ang kanilang pag-aaral at gamitin ang kanilang edukasyon o kursong natapos sa pagpapaunlad ng kanilang buhay, pagtulong sa kapwa at sa kanilang tinitirahang siyudad, ang Maynila.

Buong puso naman nagpasalamat si dating Manila Mayor Alfredo S. Lim nang makara­ting sa kanya ang mga magagandang pahayag ni Moreno.

“Ang importante, mag-aral sila nang mabuti. Kahit anong ganda at dami ng unibersidad na ipinatayo mo, kung hindi naman mag-aaral nang mabuti ang mga estudyante, balewala din,”  ayon kay Lim.

Itinatag ni Lim ang noon ay City Colleges of Manila o CCM may 25 taon na ang nakararaan upang matanggap ang lahat ng mga high school graduate sa Maynila, dahil tanging mga      honor student graduates lang ang tinatanggap sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na itinatag noong 1965.

‘I want UDM to be the next PLM,” dag­dag  ng alkalde  makaraang ianunsiyo nito  ang planong  bigyan ng financial autonomy ang UDM katulad ng sa PLM.

Plano ni Moreno na ibigay ang budget ng UDM ng lumpsum: ‘and then you spend it the way you want and see fit…by that time, I  hope makakarinig na ‘ko muli ng may top notcher sa UDM.”

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati inan­yayahan  ni Moreno ang mga estudyante na tumayo at sabay-sabay na mangako kay Lim;   ‘Mayor Lim, maraming-maraming salamat sa ‘yo. Pangako naming, pagbubutihan po namin. VERLIN RUIZ