LIMANG ARAL NG TAGUMPAY MULA KAY ROBERT H. LO, FOUNDER AT CEO NG RED DRAGON FARMS

homer nievera

KUNG may problema, may solusyon. ‘Yan ang isa sa pinakamahalagang kasabihan na nagtatak kay Robert Lo, ang founder at CEO ng isa sa pinakamalaking negosyo sa sektor ng agrikultura, partikular sa paghahayop, na naka-base sa Pampanga.

Mula nang ito’y maitayo noong 1988, ang kompanyang RDF Feed, Livestock, & Foods, Inc. (o RDFLFI) ay naging isang malagong negosyo sa pamumuno ni Lo.

Ang kanyang kompanya ay kasalukuyang  awtoridad sa larangan ng karne dahil na rin sa kalidad ng kanilang proseso sa paggawa at distribution.

Noong 1991, nasalanta ng pagsabog ng Mt. Pinatubo ang dalawang farm ni Lo ngunit ‘di siya natinag dito. Para sa kanya, walang saysay na magalit lamang dahil dito. Kailangan lang nilang lumipat sa isa pang lugar upang makapagtayo muli.

Para sa kanya, ang buhay ay dapat magpatuloy. Sa halip na problema ang pagtuunan ng pansin, mga solusyon ang kanyang inihain at sila’y nakabangon.

Narito ang ilang aral at payo na mapupulot mula kay Robert Lo para sa mga entrepreneur. Tara na at matuto!

#1 Maging masaya sa ginagawa upang ‘di ito maging basta trabaho lamang

Sa isang interbyu sa isang pahayagan, malayang inamin ni Robert Lo na tila kasal na siya sa kanyang trabaho.

Madalas daw kasing sabihin na siya ay isang “workaholic”.  Ngunit para kay Lo, ‘di naman daw siya workaholic. Sadyang natutuwa siya sa ginagawa niya araw-araw.

Sabi ni Lo, ito’y isang mahalagang saloobin dahil kung ‘di raw niya gusto ang ginagawa, kahit na gumugugol siya ng maraming oras sa pagtatrabaho, ‘di niya ito kamumuhian, bagkus ay mas mamahalin pa.

Si Robert Lo ay nagtapos ng pagka-beterinaryo dahil na rijn sa kanyang pagkahilig sa mga alagang hayop mula noong bata pa siya. Ang pagkahilig dito ang naging daan upang maitayo at mapalaki ang RDFLFI.

#2 Pangalagaan ang kalidad ng mga produkto o serbisyo

Ayon kay Lo, kinokontrol nila ang bawat aspeto ng kanilang mga operasyon.

Ang ibang kompanya raw kasi ay may mga contract grower o meat packer kung saan maaaring makompromiso ang kalidad. paliwanag ni Robert.

Sila lang daw ang kompanya sa buong bansa na kumokontrol sa bawat proseso, kabilang ang paggawa ng sariling feed, pag-aalaga ng mga hayop, pagkatay at pagdadala sa mga tindahan. Hindi raw sila nag-outsource ng anumang proseso sa kanilangnegosyo.

Para kay Lo, ang pagiging masinsin sa kalidad mula sa proseso hanggang sa produkto sa merkado ay susi sa tagumpay ng isang negosyo.

Ang mga karneng produkto nila ay inihahatid sa mga tindahan sa isang refrigerated van upang maiwasan ang anumang problema sa temperatura at pagkatapos ay inilalagay sa mga chiller lamang (at ‘di raw sa mga freezer) upang mapanatiling sariwa ang mga ito. Ang marami raw kasing karne sa merkado ay frozen na maaaring magpababa ng kalidad ng karne.

#3 Panatilihin ang inobasyon sa negosyo at mga tauhan

Aktibong hinihikayat ni Robert Lo ang kanyang mga tauhan na kumuha pa ng mas mataas na edukasyon at hindimagdadalawang-isip na magpadala ng mga empleyado sa unibersidad o sa ibang bansa para sa karagdagang pagsasanay.

Para sa kanya, nais niyang sumubok ng mga bagong bagay at matuto ng mga bagong kasanayan ang mga tauhan niya dahil sa kompanya din naman ang balik nito. Nais niyang maging eksperto sila. Kaya naman daw ang RDFLFI palaging maagang gumagamit ngbagong teknolohiya sa kanilang sektor.

Si Lo mismo ay naglalakbay sa ibang bansa upang tingnan ang iba’t ibang uso sa ibang mga merkado at madala ito sa bansa para matamasa ng mga kostumer niya ang natatamasa ng mga merkado sa ibang bansa.

Nais niyang ipareho ang pamantayan ng karne na tinatangkilik sa ibang lugar sa buong mundo.

#4 Kumuha ng mga eksperto at espesyalista

Para kay Robert Lo, ayaw niyang muling likhain ang gulong.

Naniniwala siya na walang punto sa pag-aaksaya ng oras sa pagsisikap na lumikha ng bago o pagsubok na mag-eksperimento sa pagsubok at pagkakamali.

Para sa kanya, kukunin na lang niya ang mismong gulong kung magagamit naman ito.

At iyon ang dahilan kung bakit mayroon silang mga konsultant, dahil ginagawa nilang mas madali para sa kanila ang mga gawain.

‘Di na raw nila kailangang dumaan sa marami pang pagkakamali at masasayang lang daw ang panahon at pera.

#5 Pangalagaan ang mga tauhan o empleyado

Ayon kay Robert Lo, ang isa sa kanyang inspirasyon sa pagnenegosyo ay si Sir Richard Branson ng Virgin Group, kung saan sinabi ng huli na “kung aal gaan mo ang iyong mg aempleyado, aalagaan nila ang iyong negosyo.”

Dahil dito, sinisiguro ni Lo na nasa maayos na kalagayan ang kanyang mga tauhan. Bukod sa patuloy na pagsasanay, binibigyan niya ng mas malawak na responsibilidad at kapangyarihan ang mga empleyado upang mas maging bukas sa pakikipagtulungan. Sabi ni Lo, ang kanyang mga nakatataas na manager ay nasa RDFLFI nang 15 taon na. Patunay ito ng maayos na pag-aalaga sa mga empleyado.

Konklusyon

Marami pang aral na mapupulot kay Robert Lo sa kanyang pamumuno sa RDFLFI.

Ang aking personal na mahalagang napulot sa kanya ay ang ‘di pagtanggi sa pagbabago. Para kay Lo, ang pagbabago ay hindi maiiwasan at ‘di mapipigilan. Kailangan lang nating umayon dito at sikaping baguhin ang ating pananaw para sa ikabubuti ng negosyo.

Lagi tayong maging masinop at matiyaga bilang mga entrepreneur. Tandaan na ang gabay ng Panginoong Diyos ay mahalaga sa lahat ng bagay.

vvv

Si Homer ay makokontak sa email niyang [email protected]