LIVE-IN PARTNER TIKLO SA P13.6-M SHABU

CEBU- NASAKOTE ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang mag live-in partner sa magkahiwalay na buy bust operation at nakasamsam ang mahigit sa P13 milyong halaga ng shabu sa Mandaue City.

Base sa report PDEA-7 ng Central Visayas, naganap ang unang operasyon sa North Reclamation Area, Barangay Subangdaku, Mandaue City, Cebu, kung saan si Fatima Veraces ng Brgy.Mambaling, Cebu City ay nasakote na may dalang 1.5 kilong shabu na nagkakahalaga ng P10.2 milyon.

Kasunod nito, inaresto ng mga awtoridad ang kanyang live-in partner na si William Lopez Jr. sa Barangay Mactan, Lapu-Lapu City bandang alas-4:30 ng hapon makaraang mapagbentahan ng suspek ang isang posuer buyer ng droga at nasamsaman din dito ang halos kalahating kilo ng shabu na umaabot sa halagang P3.4 milyon.

Nasamsam sa mag live-in partner ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon at nakuha ng mga awtoridad ang mga cellphone, isang multicab, at iba pang ebidensya.

Sina Veraces at Lopez ay nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. EVELYN GARCIA