LIVE-IN PARTNER TUMBA SA PAMAMARIL

pamamaril

LAGUNA – Hindi na nagawa pang maisugod ng pagamutan ang maglive-in-partner matapos walang habas na pagbabarilin ang mga ito ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob mismo ng kanilang tindahan sa Bataan St. Rose II, Bgy. Casile, kamakalawa ng gabi.

Ayon sa ulat ni PLt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng pulisya, nakilala ang mga biktima na sina Lydia Buenaflor, 38, at live-in-partner nitong si Jun Naredo, pawang mga residente ng nasabing lugar.

Sinasabing nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na ikinamatay ng mga ito noon din.

Sa imbestigasyon, bandang alas 11:15 ng gabi ng maganap ang naturang insidente sa harap mismo ng Nereo Joaquin National High School kung saan aktong mahimbing na natutulog ang mga biktima.

Lumilitaw na isa sa anak ng mga biktima na si Froilan ang nakatuklas sa naganap na insidente matapos makarinig ito ng ilang magkakasunod na putok mula sa tindahan habang nasa loob naman ito ng kanilang bahay.

Kapwa nakahandusay, duguan at wala nang buhay ng madatnan nito ang mga biktima sa lugar samantalang mabilis na tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril bitbit ang kalibre 45 baril patungo ng kabayanan.

Samantala, patuloy na nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon si Mendoza at kanyang mga tauhan sa kaso kung may kaugnayan umano ito sa nakaalitan ng mga biktima kabilang ang ipinagbabawal na droga. DICK GARAY

Comments are closed.