LIVESTOCK FARMERS SA BATANGAS NAGBABA NG PRESYO NG ALAGANG HAYOP

Kambing

NAGBAGSAK-presyo na sa kanilang mga alagang hayop ang mga magsasaka sa Agoncillo, Batangas dahil sa impact ng patuloy na paggalaw ng Bulkang Taal.

Ayon sa report, ang mga magsasakang ito ay nagbaba na ng kanilang presyo ng kanilang mga alagang hayop tulad ng kambing, baka, na ang presyo ng baka na dating nasa P50,000 ay ibi­nebenta na lamang nga­yon sa halagang P10,000. Ang iba ay iniaalok nila sa 20% ng dating presyo para lang makapagbenta.

Sinabi naman ni Archie de Leon, isang buy-and-sell livestock entrepreneur and livestock farmer sa Agoncillo, na hindi raw niya sasamantalahin ang sitwasyon para bumili ng mga ha­yop sa mababang presyo.

“Ayaw ko ring samantalahin ang kahinaan ng tao na mababa na nga ang presyo, babaratin mo pa,” sabi niya, dagdag pa na hihintayin niya bumalik sa normal bago siya muling sumabak sa buy and sell business.

Ang bahay ni De Leon ay  nasa border ng Agoncillo, na nasa total lockdown. Dahil dito, nakababalik siya sa kanyang bahay araw-araw mula sa evacuation center kung saan siya namamalagi, para lamang mapakain ang kanyang mga baboy na hindi hinaharang ng awtoridad.

Nagbigay ng order si Interior Secretary Eduardo Año kamakailan para ihinto ang implementas­yon ng lockdown sa mga residente ng Batangas na gustong kunin ang kanilang mga gamit at para tingnan ang kanilang mga alagang hayop.

Pero may ibang residente, na nagpumilit para magtungo sa kanilang bayan, at humanap ng paraan para makapasok ng hindi nalalaman ng awtoridad na nagbabantay.

Sa Agoncillo, may mga sasakyang naghihintay sa bungad ng bayan na umaasa na baka mai-lift ang lockdown kahit ilang oras man lamang. Kumpara sa mga bilang nang nakaraang araw, ang mga naghihintay kahapon ay kumaunti na lamang.

Ang ibang residente ng Agoncillo ay nakapasok sa pagdaan sa Lemery bago magmada­ling araw ng Martes, para makaiwas sa mga checkpoint sa bungad ng Agon­cillo, para makapagpakain ng kanilang mga alagang hayop na ayon sa kanila ay dalawang araw nang hindi nakakakain.

Ang mga residenteng ito ay nakamotorsiklo ang nagdala ng animal feeds at sinabing hindi nila pansin ang mahaba at mabatong daan sa Lemery para lang makarating sa Agoncillo.

Comments are closed.