SUPORTADO ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagkakaroon ng localized peace talks sakaling tuluyang makansela ang binabalangkas na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng national government at Communist Party of the Philippines –New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CNN).
Naniniwala si DILG officer-in-charge Eduardo Año na magiging mas ‘participatory’ ang localized peace talks.
Paliwanag nito, sakaling hindi matuloy ang GRP-CNN peace negotiation, mas magandang alternatibo ang localized peace talks dahil madaling matutukoy ang partikular na pangangailangan at sitwasyon sa mga lugar.
At bilang resulta ay mas magkakaroon ito ng mas malaking epekto sa mga nasa kanayunan.
Matatandaang una nang sinabi ng Palasyo ng Malacañang na posibleng mas piliin na lamang ng pamahalaan ang ganitong uri ng pakikipag-usap sa mga miyembro ng komunistang grupo.
Ang nasabing panukala ay kasunod ng pagpapaliban ng nakatakdang pag-uusap ng pamahalaan at ng komunistang grupo noong Hunyo 28. VERLIN RUIZ
Comments are closed.