SINGAPORE – Ako ay nabigla at natuwa dahil may ibang mga dayuhan pala sa mga kapitbahay natin sa Southeast Asia na iniidolo ang ating pangulo. Hindi ito tulad ni United Nations Special Rapportuer Diego Garcia-Sayan at iba pang mga miyembro ng European Union na tutol sa estilo ng pamamahala ni Duterte. Ang ibang mga ordinaryong mamamayan ng Singapore at Malaysia ay idolo rin ang ating pangulo.
Nang dumating kami ng anak ko sa Singapore, kami ay sumakay ng taksi patungo sa aming hotel. Ang drayber ng taksi ay nagtanong kung taga-saang bansa kami. Nang sabihin ko na taga-Filipinas kami, nanlaki ang kanyang mga mata at galak na galak na sinabi niya na idolo niya ang ating presidente.
Mula Changi Airport papuntang Orchard Road, tuloy-tuloy ang pagsasalita niya tungkol kay Pangulong Duterte. Sinabi niya na sang-ayon siya sa pamamalalakad ni Duterte na ‘kamay na bakal’ upang linisin ang katiwalian at krimen sa ating bansa. Inihantulad niya si Duterte sa kanilang dating lider na si Lee Kuan Yew, na kinikilala nila bilang ‘Ama ng Singapore’.
Si Lee ay pinamunuan ang bansang Singapore sa loob ng tatlong dekada. Ayon sa kasaysayan, ang estilo niyang ‘kamay na bakal’ ang nagdulot ng kasaganahan at magandang ekonomiya ng Singapore ngayon. Ang Singapore ay nagsimula bilang isa sa pinakamahirap na bansa sa Southeast Asia matapos ang ikalawang digmaan. Bagama’t tinawag na ‘socialist dictator’ si Lee, naiangat niya ang ekonomiya ng kanyang bansa matapos na makuha nila ang kanilang kalayaan mula sa Britanya.
Kung makikita ninyo ang Singapore ngayon, mapapailing kayo sa layo ng asenso nila kung ihahambing sa atin. Napakaayos. Malinis. Walang trapik. Maganda ang imprastraktura. Napakamoderno. May disiplina ang mga tao. Mababa ang krimen. Napakaganda ng kanilang public transportation. Masaya ang mga mamamayan nila.
Wala silang mga magugulong militante, hindi tulad sa atin na puros angal subalit wala namang maibigay na matibay na solusyon sa ating mga suliranin. Wala silang mga pasaway na motorista na nagpapalala ng daloy ng trapik dahil hindi sumusunod sa batas trapiko. Wala silang mga politiko na mahilig magpasikat at bumatikos sa mga programa ng gobyerno dahil may posibleng anomalya raw, ngunit isa rin pala sa pinakakorap pagdating sa pangungurakot ng pera ng taumbayan. Wala silang mga korap na opisyal ng gobyerno na ang nasa isipan ay pagkakataon na nilang mangurakot habang sila ay nakapuwesto sa gobyerno.
Haaaay…nakapanghihinayang. Ibalik ko ang mga komento sa amin ng taksi drayber tungkol kay Duterte. Sinabi niya na kapag naipagpatuloy ang ginagawa ni Duterte sa mga susunod na taon at kaunting sakripisyo raw nating mga Filipino, nakikita niya na susunod daw tayo sa yapak ng kanyang bansang Singapore.
Sang-ayon daw siya sa ginagawa ni Duterte sa kampanya laban sa ilegal na droga. Sabagay, may karapatan siyang magsabi nito. Napakababa ng krimen sa Singapore. Alam mo na ligtas ka sa mga kriminal dito maski naglalakad ka sa dis-oras ng gabi. Hindi ka makararamdam ng takot o panganib na naglalakad sa gabi. Ayon sa taxi driver, ito ay dahil seryoso ang kanilang gobyerno sa pagpataw ng parusa sa mga kriminal dito. Walang areglo. Walang ayusan. Kapag lumabag ka sa batas dito ay may paglulugaran ka.
Ganito rin ang narinig ko sa aking kaibigan na nagbakasyon sa Malaysia. Ang mga nakakausap niyang taga-Malaysia ay idolo rin si Duterte. Hindi ba ang pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo ay iniidolo rin si Duterte sa kampanya nito laban sa ilegal na droga? Nakapanghihinayang at may mga kapwa natin Filipino na hindi sang-ayon sa ginagawa ng ating Pangulo. Kaya siguro hindi na tayo makaahon sa kahirapan.
Comments are closed.