ZAMBALES-PATAY ang 82-anyos na Filipino-American na babae ang natagpuang laslas ang lalamunan sa loob ng kanyang kuwarto sa isang resort sa Brgy, Sto.Niño sa bayan ng San Felipe sa lalawigang ito.
Sa inisyal na report ni Captain Connie Calzado, officer in charge ng San Felipe Police Station, kinilala ang biktima na si Teresita White y Sison, may dual citizenship (US American at Filipino).
Base sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, mga katulong sa resort ang nakakita sa labi ng biktima na nakahandusay sa kanyang kama, kahapon ng umaga araw ng Biyernes.
Lumitaw na pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen, dahil ayon sa mga katulong, nawawala ang mga gamit ng biktima tulad ng cellphone, sling bag, wallet na naglalaman ng iba’t ibang ID at hindi matukoy na halaga ng pera at mga alahas.
Wasak din ang steel grill sliding window sa bahay na posibleng dinaanan ng mga salarin.
Samantala, patuloy na nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad hingil sa karumal-dumal na krimen. THONY ARCENAL