LOLA NA SHABU COURIER NAARESTO

shabu

QUEZON – HINDI na nakapalag pa at ­umamin na lang sa krimen ang 63-anyos na lola sa bayan ng Infanta  matapos makuhaan ng 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000.

Kinilala ang lola na si Marilyn Galvana alyas Marilou Garcia Tan residente sa Bulacan.

Pasado alas-6:00 ng gabi nang isagawa ng pulisya ang buy bust sa harap ng isang electronic trading sa Paterno St., Poblacion 39, Infanta.

Ayon kay Police Major Dandy Aguilar, hepe ng Infanta Quezon-PNP, isinumbong ang lola ng mga naunang naarestong drug suspect.

Inamin din ng suspek na ikatlong beses na siyang naghatid ng drugs sa Infanta, Quezon.

Aniya, binabayaran siya ng P10,000  kada deliver at inaabot sa kanya ang droga sa isang mall sa Alabang, Muntinlupa City.

Itinanggi rin nito na personal niyang kilala ang lalaking nag-uutos sa kanya sa pamamagitan ng tawag sa cellphone.

Nahaharap si Galvana sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. REA SARMIENTO

Comments are closed.