VALENZUELA CITY – ARESTADO ang isang lolo matapos makuhanan ng mga hindi lisensiyadong baril sa isinagawang raid ng mga awtoridad sa bisa ng search warrant.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief Sr. Supt. David Nicolas Poklay ang naarestong suspek na si Alberto Bistoc Mariano, 74, ng No. 242 km 15, Extensive Wood Processing Corporation, McArthur Highway, Dalandanan.
Ayon kay Sr. Supt. Poklay, sa bisa ng search warrant na inisyu ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Maria Nena Santos ng Branch 171, ni-raid ng mga tauhan ng Valenzuela Police Station Intelligence Branch sa pangunguna ni PCI Jessie Misal sa koordinasyon sa PCP-6 at PCP-7 ang tinitirhan ng suspek.
Narekober ng mga pulis sa suspek ang isang cal. 9mm pistol na may apat na bala, isang 12 Gauge shotgun at apat na bala nito.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o the Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office. EVELYN GARCIA
Comments are closed.