PINANGUNAHAN nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Historical Commission of the Philippines chair Rene Escalante at Manila Mayor Isko Moreno ang paggunita sa ika-157 taong kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio.
Si Lorenzana ang nanguna sa isinagawang wreath laying sa Bonifacio Monument sa Caloocan habang si Moreno ay nanguna sa pag-aalay ng bulaklak sa Bonifacio Shrine o Kartilya ng Katipunan bilang pag-alala sa kabayanihan ng isang maralitang taga-Tondo.
Pagkatapos ng simpleng pag-aalay ng bulaklak sa dambana ni Bonifacio, inantabayanan ng mga dumalo ang virtual na mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng selebrasyon.
Ayon kay Moreno bagaman simple ang selebrasyon ng Bonifacio Day ngayong taon dahil sa pandemya dulot ng COVID-19 ay mananatili pa rin ang pagpupugay para sa katapangan at kadakilaan ni Bonifacio na isang lehitimong taga Maynila.
“Ngayong panahon ng pandemya, patuloy nating isabuhay ang tapang at pagmamalasakit ni Bonifacio sa kapwa niya mga Pilipino at sa ating bayan,” ayon sa mensahe ng alkalde.
Kasama ni Moreno sa mga nagbigay pugay kay Gat Andres Bonifacio sina Vice Mayor Honey Lacuna, secretary to the mayor Bernie Ang, Majority floorleader Joel Chua, City Engineer Armand Andres at iba pang opisyal ng Manila City Hall.
Kaugnay nito nanawagan si Moreno sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak.
“Lagi natin naririnig nasa kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero paano kung wala na ang buhay ng isang kabataan dahil gumawa ng mga bagay na nagpapahamak sa kanyang kaligtasan?” ani Moreno.
“Habang tayo ay natupad sa tungkulin, manatili tayo sa paniwala sa Diyos. Ang takot sa Diyos ay ating isapuso at isadiwa. You will never go wrong if you believe in the Higher Being.. di tayo mapapariwara,”dagdag pa nito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.