‘LOVE AND BLESSING’ VIRUS PROGRAM ISINAGAWA SA PRO3

PAMPANGA – NAMAHAGI  ng  handog-tulong sa mga estudyante na halos mga anak ng mga pulis ang Philippine National Police Officers Ladies Club Foundation Incorporated (PNPOLCFI) sa ilalim ng ‘Love and Blessing’ (LAB) virus program na pinangunahan ng maybahay ni PNP Chief Gen Rommel Francisco Marbil na si Mrs Mary Rose Marbil sa Camp Olivas Child Development Center sa loob ng Police Regional Office 3, Camp Olivas, San Fernando City.

Kasama ang iba pang miyembro ng foundation sa pamumuno ni PNPOLCFI President Mrs Leilani Alba at Mrs Ebeneza Maranan, PRO3 PNPOLCFI Adviser, na­mahagi si Mrs. Marbil ng mga regalo at school supplies sa 60 paslit mula sa day care center at nagbigay din ng isang split-type air conditioning unit bilang donasyon.

Kasunod nito, nakatanggap naman ng kalahating kaban ng bigas, hygiene kits, grocery items at financial assistance ang 22 personnel ng PRO3 na may iniindang karamdaman.

Nabatid na ang isinagawang aktibidad ng mga miyembro ng PNP-OLC Foundation ay bahagi nang pagpapalakas ng pangangatawan at kalusugan pati na rin pangangalagang moral ng PRO3 personnel at kanilang mga anak.

Ayon kay PRO3 Director BGen. Red Maranan, ang LAB virus program ay  kanyang sinusuportahan.

Bukod dito, nagpapaalala rin ito sa mga tungkulin bilang tagapagpatupad ng batas ay ang obligasyong pangalagaan ang mga sarili at  bawat miyembro ng pamilya ng PNP.

Ang ganitong uri ng malasakit ay nagdudulot ng pag-asa at lakas para sa mga kawani lalo na sa mga nangangailangan ng suporta sa panahon ng laban sa malulubhang karamdaman.

THONY ARCENAL