LPG AT LANGIS MAY BIGTIME ROLLBACK

DALAWANG magandang balita ang matatanggap ng mga konsumer at motorista sa mga susunod na araw dahil sa big time rollback sa liquefied petroleum gas (LPG) at petrolyo.

Ayon sa datos ng isang malaking importer, tinatayang nasa mahigit P6 kada kilo ang ibinaba sa contract price ng LPG, o katumbas ng halos P70 kada regular na tangke na may 11 kilo.

“Ang main reason niyan ay nag-normalize na ang requirement ng India at may konting slowdown sa demand ng China, at the same time high inventory ang supply mula US,” paliwanag ni Iñigo Golingay, CEO ng kompanyang South Pacific, Inc.

Hindi lamang ang LPG ang may rollback kundi inaasahang masusundan din ng bawas-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa unang tatlong araw ng trading, nasa halos P1.50 na ang ibinagsak sa presyo ng imported gasoline, P0.78 sa diesel, at P0.75 sa kerosene.

Sa koryente naman, sa kabila ng kaliwa’t kanang yellow at red alerts, walang nakikitang malaking galaw sa paparating na billing ngayong buwan ng Hun­yo.

Comments are closed.