LRT-1 CAVITE EXTENSION PROJECT SISIMULAN NA

Joes_take

LIMANG taon matapos na maigawad sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang proyekto ukol sa pagpapahaba ng Light Rail Transit (LRT-1) mula sa Baclaran hanggang sa Bacoor, Cavite, inuumpisahan na sa kasalukuyan ang proyektong ito. Tinatayang nasa 11.7 km ang magiging kabuuang haba ng nasabing proyekto.

Panahon pa ng administrasyong Aquino nang maibigay ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang proyektong ito sa LRMC. Ang LRMC ay isang joint venture ng Metro Pacific Investments Corp. (MPIC), Ayala Corp. at Macquarie Infrastructure Holdings Phil. upang itayo, patakbuhin at pangalagaan ang LRT-1 extension na nagkakahalaga ng P64.9 bilyon.

Base sa kasunduan, binibigyan sila ng 54 na buwan para mapagana at masimulan ang operasyon ng proyekto. Napirmahan ang kontrata noong Setyembre 2014 at ang paggawa nito ay dapat nasimulan matapos ang isang taon. Kung ito ay nasimulan noong Oktubre 2015, nagsisimula na sana ngayong buwan ang operasyon nito.

Sa kasamaang palad, dahil sa mga regulatory requirement at sa kaso ng High Tribunal court ukol sa pagkakaroon din nito ng estasyon sa North Avenue, nahinto ang pag-usog ng proyekto. Hindi rin kasi nakakuha ng right of way ang nakaraang administrasyon sa mga lugar kung saan dapat itatayo ang walong estasyon na idaragdag sa LRT-1.

Isa pang naging dahilan ng pagkaantala ng proyekto ay ang pagpoprotesta ng SM Group sa naging desisyon ng DOTC na ilipat ang common na estasyon sa Trinoma, ang mall sa tapat ng SM na pagmamay-ari ng Ayala Land na kakumpitensiya nito.

Ang mga isyung nabanggit ay mukhang lumipas na dahil sa malaking ginhawang naghihintay para sa mga komyuter na mag-mumula sa South, partikular yaong mga ga­ling Las Piñas, Parañaque, at Cavite dahil sila ang mga makikinabang sa proyektong ito. Mapapaikli nito ang kanilang byahe sa araw-araw papunta at pauwi sa trabaho o sa eskuwela.

Ayon sa Waze, ang karaniwang mobile application na ginagamit bilang gabay sa direksiyon habang nasa biyahe, ang Metro Manila ang may pinakapangit na gridlock sa buong mundo. Ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA), nasa halagang P5.4 bilyon ang ­maaaring mawala sa ating bansa sa araw-araw hanggang 2035 kung hindi masosolusyonan ang ating problema sa trapiko rito sa Metro Manila.

Isa ang transpor­tasyon sa mga industriya na may mahalagang papel na ginagampanan sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng isang bansa.

Kapag natapos na ang LRT-1 Cavite extension, tiyak na makatutulong ito sa pagpapaluwag ng trapiko sa katimugang bahagi ng Metro Manila. Paiikliin nito ang oras ng biyahe  sa pagitan ng Bac­laran at Bacoor. Mula sa isang oras at 10 minuto, ito ay magiging 25 minuto na lamang.

Sa pagsisimula ng pagtatayo ng walong estasyon sa ilalim ng proyektong ito, ang kabuuang bilang ng estasyon ng LRT-1 ay magiging 28 na. Ang mga karagdagang estasyon na ito ay matatagpuan sa Redempto­rist, NAIA Avenue, Asia World, Ninoy Aquino, Dr. Santos, Las Piñas, Zapote at Niog. Kasama sa mga istasyong ito ay ang tatlong intermodal road-rail facilities upang maging mas madali ang paglipat mula sa LRT-1 papunta sa mga normal na pampublikong sasakyan.

Kapag nagsimula na ang operasyon ng nasabing karagdagang mga estas­yon, aabot na sa 34.4 km ang tatakbuhin ng LRT-1. Ito ay mula sa Roosevelt Station sa Quezon City hanggang sa Cavite. Tinatayang nasa 800,000 na pasahero ang kaya nitong isakay sa buong araw. Halos doble ito ng kasalukuyang dami ng naisasakay na pasahero ng LRT-1 na nasa 458,000 ang karaniwang dami.

Ayon kay MPIC chair Manuel V. Pangilinan (MVP), layunin ng kasunduan na pagandahin at pag-ibayuhin pa ang serbisyo sa mga komyuter sa pamamagitan ng pagpapabilis at pagpapagaan ng biyahe ng mga ito. Dagdag pa ni MVP na ang Hong Kong ay isang magandang halimbawa pagdating sa usapin ng light rail.

Sa pahayag din ni MVP,  ang maayos at mahusay na transportasyon ay maaaring magbigay-daan sa pagyabong ng ating ekonomiya lalo na sa mga lugar na madadaanan ng LRT-1. Dalawampung taon nang nagbibigay serbisyo sa publiko ang LRT-1 at sa pagsisimula ng pagtatayo ng karagdagang walong estasyon, inaasahang ito ay magbibigay-daan sa bagong simula para sa mga komyuter sa Metro Manila.

Magmula noong  LRMC na ang namahala  sa operasyon at maintenance ng LRT-1, malaki na ang naiusog ng kompanya pag-dating sa pagpaparami ng pasahero at pagpapabuti ng serbisyo sa mga sumasakay rito. Mula sa 77 na light rail vehicle (LRV) noong ­Setyembre 2015, nadagdagan ito at na­ging 109 na noong Marso 2018. Noong ­Agosto 2016 ay inumpisahang palitan ng LRMC ang mga riles ng LRT-1 dahil 32 na taon na itong ginagamit. Nakumpleto ang pagpapalit nito noong ­Setyembre 2017 na nagresulta sa mas maginhawa at mas ligtas na biyahe para sa mga komyuter. Dahil bago na ang mga riles, maaari nang tumakbo ang tren sa bilis na 60kph mula sa dati nitong bilis na 40kph lamang. Mas bumilis ang biyahe ng mga komyuter mula Baclaran hanggang Monumento.

Napababa rin ng LRMC ang cycle time ng mga tren. Cycle time ang tumutukoy sa bilis ng isang tren na makakumpleto ng isang buong biyahe. Mula sa karaniwang 118 minuto, ito ay nasa 100 minuto na lamang.

Binigyang-pansin din ng kasunduan ang tungkol sa tagal ng pila ng mga pasahero sa pamamagitan ng matalino at mahusay na pag-deploy ng mga tren. Bukod sa pagpapabilis ng pila ng mga pasahero ay napaliit din nito ang agwat sa oras ng biyahe ng bawat tren sa 3.3 minuto. Bunsod ng pagi­ging epektibo ng bagong talaorasan ng biyahe ng mga tren na sinimulang ipatupad noong Hunyo 2018, tumaas ang kabuuang bilang ng biyahe ng mga tren. Mula sa 498 tuwing araw ng trabaho, ito ay naging 554 na biyahe at mula naman sa 443 na biyahe tuwing Sabado, ito ay naging 472.

Sa pahayag ni LRMC President and CEO Juan F. Alonso, makatitipid ng tatlong oras na biyahe kada araw ang mga ­komyuter kapag nagsimula nang mag-operate ang LRT-1 Cavite extension project. Ang mga matitipid nilang oras ay maaaring gamiting karagdagang oras sa pahinga o karagdagang oras kasama ang pamilya at iba pang mahal sa buhay.

Nakatutuwang isipin na ang LRT-1 Cavite extension project ay magsisimula nang pabutihin ang buhay ng ating mga kapwa Filipino sa pamamagitan ng pagpapabilis ng biyahe ng mga ito sa araw-araw. Napa-kalaking ginhawa ang naghihintay sa atin, lalo na sa mga bumibiyahe gamit ang LRT-1. Sana ay magsilbi rin itong ka­ragdagang opsiyon para sa iba pang komyuter upang maibsan ang ating problema sa trap-iko.

Comments are closed.