BINIGYANG-DIIN ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na puwedeng pigilan ng mga bagong accredited ride-hailing apps na gumagamit ng metro ng taxi ang mga “mapiling” driver dahil ang online bookings ay ginagawa sa pamamagitan ng app kung saan nakikita ang mukha ng drivers at kanilang plate numbers.
“Kailangan po ang mga taxi ngayon ay mayroon ng taxi app. So they can go to either MiCab, Hype, Grab [Taxi] or Hirna,” pahayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) member Atty. Aileen Lizada kamakailan.
“When you book a taxi, ito na ang ating ilalagay para mawala ang isnaberong driver. Makikita niyo ang plate number, mukha ng driver, at kung ano ang metro ay iyon lang ang babayaran niyo,” sabi ni Lizada.
Idinagdag pa niya, na ang mga taxi ay bahagi ng ride-hailing apps tulad ng Hirna, MiCab, Hype at Grab Taxi, at hindi pinapayagan na magtaas ng singil ng pasahe.
“Nagpasabi na ang MiCab na kikita sila sa pamamagitan ng advertisements sa loob ng kanilang taxi, samantalang ang Hype ay may charge na P20 sa booking fee. Ang Hirna ay may charge sa operator ng P5 booking fee para sila ay kumita,” ayon kay Lizada.
Dagdag pa nito, na hinihintay ng LTFRB ang Kongreso na magpasa ng batas na magbabalanse ng playing field para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS) at taxi drivers.
“How do we balance everything na hindi masyado agrabyado ang taxi drivers kasi sila rin ang namomroblema dahil ang kanilang drivers ay lumilipat na rin sa ibang TNVS,” ani Lizada.
Comments are closed.