(LTFRB kinalampag) PAMAMAHAGI NG FUEL SUBSIDY BILISAN

FUEL SUBSIDY

KINALAMPAG ni Senador Win Gatchalian ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tiyaking mapabibilis na ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga target na benepisyaryo sa public transport sector.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa gitna ng kanyang isinusulong na ikatlong yugto ng ayuda sa sektor ng pampublikong transportasyon na nalulugmok na sa epekto ng walang puknat na oil price increase.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, maraming PUV drivers na ang tumitigil sa pamamasada at nawalan ng hanapbuhay at isa sa mga solusyon ang mabilis na pamimigay ng ayuda.

Nais ng senador na ipamahagi na ang ikatlong bahagi ng Pantawid Pasada program na nagkakahalaga ng P3,000 kada buwan para sa susunod na limang buwan.

Ang unang yugto ng fuel subsidy para sa mga driver at operator ng public utility vehicles na dapat sana ay natapos nang ipamigay noong ikalawang linggo ng Mayo ay naantala dahil sa kakulangan ng database ng mga benepisyaryo.

Nitong Martes, Hunyo 28, ay muling nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng taas-presyo sa petrolyo. Ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P0.50 kada litro, diesel ng P1.65 at kerosene ng P0.10 kada litro.

Ito na ang ika-4 na sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-5 naman sa diesel at kerosene.

Noong Hunyo 21, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.80, diesel ng P3.10, at kerosene ng P1.70.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Hunyo 21, ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P29.50, diesel ng P44.25, at kerosene ng P39.65.

Sa monitoring ng DOE, ang presyo sa Metro Manila ay naglalaro sa P75.95 kada litro (Pasig City) hanggang P98.90 kada litro (Muntinlupa City) para sa gasolina; mula P81.55 kada litro (Quezon City) hanggang P98.00 kada litro (Pasay City); at mula P89.64 kada litro (Manila) hanggang P99.04 kada litro (Taguig City) para sa kerosene hanggang Hunyo 23, 2022.