(LTO sa publiko)FIXERS SA SOCIAL MEDIA ‘WAG TANGKILIKIN

LTO

PINAYUHAN ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko na huwag tangkilikin ang mga alok na serbisyo ng mga fixer sa social media sites.

Ito’y kasunod ng pagkalat ng mga post sa social media kung saan nag-aalok ang ilang fixers ng non-appearance ng mga indibidwal na magre-renew o mag-aaplay ng bagong driver’s licence sa tanggapan ng LTO.

“Ito’y klarong panlilinlang sa ating mga kababayan,” wika ni Atty. Alex Abaton, Special Legal Assistant to the Office of the Assistant Secretary.

Ayon kay Abaton, nagsagawa na sila ng mga operasyon kasama ang Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police laban sa mga fixer, ngunit inamin niyang may mga nakalulusot pa rin.

Nagbabala si Abaton na ang mga gumagamit ng serbisyo ng fixers ay maaari ring maparusahan sa ilalim ng batas.

“Gusto natin paalalahanan ‘yung ating mga kababayan na hindi lang po ito kaso ng halimbawa paggamit ng pekeng driver’s license, but ultimo po ‘yung subscriber natin dito, ‘yung ating tumatangkilik dito, can also be held liable by the Revised Penal Code doon po sa paggamit po ng mga palsipikadong dokumento.”

Aniya, ang sinumang mahuhuli na gumagamit ng pekeng lisensiya ay maaaring pagmultahin ng P3,000 at pagbabawalang kumuha ng tunay na driver’s license sa loob ng isang taon.