ANG kanyang mga awitin ay tila mga tulang nilapatan ng musika. Ito ang isa sa maraming dahilan kumbakit angat siya sa ibang musikero. Bukod pa rito, isa rin siyang visual artist, iskultor, filmmaker, at makata. Pinaghalo-halo rin niya ang iba’t-ibang disiplinang ito upang makalikha ng maraming katangi-tanging proyekto sa may elemento ng literatura, pagpipinta, musika, at pelikula. Ang kanyang talento ay kinikilala sa iba’t-ibang bansa, lalo na sa Espanya at iba pang mga bansa sa Europa. Dito sa Pilipinas, kung saan siya ipinanganak, ang kanyang pangalan—Luis Eduardo Aute—ay hindi pamilyar sa marami.
Ito ang isa sa mga dahilan kumbakit napagdesisyunan ng Instituto Cervantes de Manila na maglunsad ng isang posthumous na pagpupugay para kay Aute, sa pakikipagtulungan ng Embahada ng Espanya sa Pilipinas at ng Intramuros Administration. Tinipon nila ang ilan sa mga sikat at magagaling na mang-aawit sa bansa upang mag-record ng mga kilalang orihinal na awitin ni Aute. Ang resulta? Isang video concert na pinamagatang “Con tu latido: Filipinas canta a Luis Eduardo Aute. A tribute” na ipinalabas noong ika-13 ng Setyembre sa Instituto Cervantes sa Maynila. Ang petsang ito ay ang ika-79 na anibersaryo ng kapanganakan ni Aute, na sumakabilang buhay noong Abril, taong 2020.
Ang sikat na singer-actress na si Bituin Escalante ay umawit ng isa sa mga unang awitin ni Aute, ang Rosas en el mar, na inilabas noong taong 1966. Si Mark Anthony Carpio, choirmaster ng Philippine Madrigal Singers, ay umawit naman ng kantang La belleza. Si Toma Cayabyab, miyembro ng Ateneo Chamber Singers at ng Villancico Vocal Ensemble, at siya ring lider ng kanyang sariling jazz sextet na Debonair District, ay kumanta ng isang sikat na awitin ni Aute, ang Libertad.
(Itutuloy…)