(Lumabag sa MMDA Regulation) 132 NATIKETAN, 41 E-TRIKES AT E-BIKES NA-IMPOUND

NAGSIMULA na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) manghuli sa mga lumalabag sa prohibisyon sa tricycle, push cart o kariton, pedicab, kuliglig, e-bike, e-trike, at light electric vehicles na dumadaan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Mula kahapon ng alas-10 ng umaga, umabot sa 132 indibidwal ang natiketan habang 41 ang na-impound ang unit at sa breakdown ng bilang ng nahuli sa tricycle ay 72; pedicab ay 4; E-trike ay 26 at E-bike ay 29.

Ang multa sa paglabag ay P2,500 at kung hindi rehistrado o wala maipakitang lisensya ang nagmamaneho nito, kinukumpiska at ini-impound ang unit.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, hindi bago ang regulasyon dahil may nauna nang inilabas na memorandum ang DILG na nagbabawal sa mga ganitong uri ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan.

Ang pangunahing layunin ng regulasyon ay para sa kaligtasan ng publiko, maiwasan ang mga aksidente, at maiwasan ang bigat sa daloy ng trapiko.

Ang pagpapatupad nito ay naibida sa #BagongPilipinas Pilipinas Town Hall Meeting on Traffic Concerns na pinangunahan ni Pangulong Bongbong Marcos kasama ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kamakailan para matugunan ang problema sa trapiko sa Kamaynilaan.

Ayon kay Pangulong Marcos, “Ang bagong Pilipino ay disiplinado sa pagmamaneho, nagbibigayan, may konsiderasyon sa kapwa, at sumusunod sa batas trapiko.”
CRISPIN RIZAL