(Lumakas para sa overall title) PH HUMAKOT PA NG GOLDS

gold medalist

HINDI maawat ang Filipinas sa paghakot ng medalyang ginto sa Day 5 ng 30th Southeast Asian Games kahapon.

Hanggang alas-7:10 kagabi, ang host country ay mayroon nang kabuuang 152 medalya – 66 gold, 48 silver at 38 bronze medals upang mapalakas ang kanilang kampanya para sa overall title sa biennial meet.

Nasa malayong ika­lawang puwesto ang ­Vietnam na may kabuuang 107 medalya – 31 gold, 35 silver at 41 bronze medals, kasunod ang Indonesia na may 27-36-39 para sa kabuuang 102 medalya.

Pinangunahan ni Margielyn Didal ang gold medal haul ng bansa nang madominahan niya ang women’s elite division ng Game of S.K.A.T.E. makaraang gapiin ang kababayang si Christiana Means para sa 1-2 finish ng host country.

Nagpamalas si Didal ng flawless performance nang magsagawa siya ng tricks para kay Means sa kanilang final showdown.

Ibinigay ni Daniel Ledermann ang ikalawang gold medal ng Filipinas sa skateboarding nang pagharian ang men’s elite Game of S.K.A.T.E.

Naungusan ni Ledermann si Basral Hutomo ng Indonesia sa mainit na showdown, kung saan mabilis siyang nakabawi nang i-pressure siya ng 12-year-old wunderkind sa pamamagitan ng mahihirap na tricks.

Ipinagkaloob naman ni Jermyn Prado ang ikatlong ginto ng Filipinas sa cycling nang pangunahan ang women’s individual time trial.

Si Prado, 26, ay naorasan ng 44 mi­nutes, 44.742 seconds sa 23.1-kilometer event mula Nasugbu, Batangas hanggang Praying Monument sa Tagaytay City upang kunin ang gold.

Nagkasya si Luo Yiwei ng Singapore sa silver sa 44:48.518 habang kinuha ni  Somrat Phetdarin ng Thailand ang bronze sa 44:58.152.

Nauna nang binigyan nina Lea Denise Belgira at John Derick Farrang Filipinas ng mountain bike downhill titles.

“I gave my all. It was too hard, but our sacrifices paid off. I’m happy,” ani  Prado, tubong Pagbilao, Quezon at miyembro ng Philippine Navy-Standard Insurance cycling team.

Muling sasabak si Prado sa women’s massed start ngayong araw.

Dalawang ginto naman ang naiambag ng judo sa medal haul ng bansa. Kinuha ni Philippine bet Shugen Nakano ang gold medal sa judo competition sa LausGroup Event Center sa Pampanga.

Tinalo ni Nakano si Indonesian Budi Prasetiyo para sa gold medal sa men’s -66kg event.

Nakopo naman ni Khrizzie Pabulayan ang bronze nang gapiin si Xuan Le Goh ng Malaysia sa women’s -52kg category.

Nauna rito ay nai­depensa ni Filipino-Japanese judoka Kiyomi Watanabe ang kanyang korona sa women’s 63kg category.

Ito an ang ikaapat na sunod na korona ni Watanabe sa biennial meet.

Samantala, nasikwat ni Mark Edward Striegl ang medalyang ginto sa sambo competition sa Angeles University Foundation Gymnasium sa Pampanga.

Tinalo ng mixed martial arts (MMA) star si Singh Jaswant ng ­Singapore, 8-0, sa men’s combat 74kg event.

Nasungkit naman ni Jylyn Nicanor ang ­unang fencing gold para sa Filipinas nang pataubin si Diah Permatasari ng Indonesia, 15-14, sa women’s individual sabre.

Nagwagi rin ang PH chess team na kinabibilangan nina Eugene Torre, Darwin Laylo and Paulo Bersamina ng gold sa biennial meet. CLYDE MARIANO

Comments are closed.