QUEZON CITY – NASAWI ang ginang nang mabuwal ang puno at dumagan sa kanilang bahay dahil sa pag-ulan dulot ng low pressure area (LPA).
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-4:30 ng madaling araw kahapon, sa Blk 3,Pook Arboretum.
Mahimbing ang biktimang si Omayra Sumala y Macapuol, 38-anyos nang mabagsakan ng puno ang tahanan nito.
Dahil dito, ang mga nasirang kisame ang dumagan naman sa katawan ng biktima na dahilan nang pagtamo ng matinding sugat sa ulo at katawan.
Nakaresponde ang mga tanod ng barangay hall sa Brgy. U.P Campus Ambulance at nadala ang biktima sa East Avenue Hospital upang agarang magamot ang natamo nitong pinsala mula sa bumagsak na kisame dahil nadaganan ng puno ang kanilang bahay subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Kahapon ay ibinaba ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Adminisration (PAGASA) ang yellow rainfall warning sa Metro Manila na hudyat na rin para suspendihin ang klase.
Samantala, patuloy ang mga tauhan ng Quezon City Police District sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang nasasakupan upang mapabilis ang pagresponde sa anumang magaganap na krimen sa lungsod ng Quezon. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.