(Lusot na sa bicam) PAGHIHIGPIT SA LPG INDUSTRY

Win Gatchalian

MATAPOS ang 18 taon at pitong Kongreso, magiging isa nang ganap na batas ang panukalang regulasyon para sa industriya ng liquefied petroleum gas (LPG) na magsisiguro sa kapakanan at interes ng mga konsyumer laban sa mga ilegal na paraan ng pag-refill at mga mababang kalidad at depektibong tangke.

Inaprubahan na ng bicameral conference committee noong Martes, July 13, ang panukalang LPG Industry Regulation Act na magtatakda ng alituntunin at pamantayan na dapat sundin ng mga domestic industry player, pati na rin ang pagpapatupad ng cylinder exchange and swapping program na magpapahintulot sa mga konsyumer na makabili ng LPG kahit na iba ang brand ng dalang tangke.

“Ngayong may napagkaisahang LPG bill na tayo para pamahalaan ang buong LPG industry, mapupunan na nito ang mga regulatory gaps na naging balakid sa mga industry players at mapapalakas pa ang iba’t ibang mga regulasyong ipinatutupad ng gobyerno. Higit sa lahat, ito’y magtatalaga ng safety standards na unti-unting mag-aalis sa merkado ng mga depektibong tangke para lalo pang mabigyan ng proteksyon ang mga konsyumer,” sabi ni Senador Win Gatchalian, chairperson ng Senate Energy Committee.

Naging maayos ang deliberasyon ng komite para sa pinal na bersiyon ng bill matapos na magdesisyon ang Senate panel na sang-ayunan ang mga panukalang mula sa bersiyon ng House of Representatives. Sinuportahan naman ng mababang kapulungan ang mga panukalang probisyon ng Senado hinggil sa kung ano ang dapat ipagbawal sa batas.

Sa napagkasunduang pinag-isang bersiyon ng Senate Bill No. 1955, kung saan punong may-akda sa Senado si Gatchalian, at ng House Bill No. 9323, magtatalaga ng pamantayan at kaukulang responsibilidad sa industry players, tulad ng importers, bulk suppliers, bulk distributors, haulers, refillers, trademark owners, marketers, dealers, pati na ang mga retail outlet, na sumunod sa pinahigpit na safety protocols.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagkakaroon ng komprehensibong regulatory framework para mapamahalaan ang industriya ng LPG na malawak ang sakop. Ang LPG ay isang pangunahing pangangailangan ng apat sa 10 pamilyang Filipino at ito’y karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na pagluluto. Ginagamit na rin ito para mapatakbo ang mga sasakyan, pagpapailaw at iba pa.

“Dahil karaniwang energy source ng sambahayan ang LPG, marapat lamang na mapangasiwaan natin ang kaakibat na panganib na dulot ng paggamit dito. Napapanahon na ang pagkakaroon ng mga regulasyon at pagsasabatas nito,” sabi ni Gatchalian.

“Matutuldukan na rin ang mga maling gawain ng ilang negosyante tulad ng pandaraya sa timbang at importasyon ng mga second-hand cylinders o containers kapag tuluyan na itong naisabatas,” dagdag pa ng senador.  VICKY CERVALES

9 thoughts on “(Lusot na sa bicam) PAGHIHIGPIT SA LPG INDUSTRY”

  1. 909039 212638This was an incredible post. Really loved studying your internet site post. Your data was very informative and useful. I feel you will proceed posting and updating often. Looking forward to your subsequent 1. 41196

Comments are closed.