INAPRUBAHAN ng House Committee on Ways and Means ang panukalang ibaba sa 10 porsiyento mula sa kasalukuyang 20 porsiyento ang buwis na ipinapataw sa premyo ng lotto draws ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Partikular na ibababa sa 10 porsiyento ang tax deduction sa cash prizes ng lotto na higit sa P10,000 ang halaga, na itinatakda sa ngayon ng Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law)
Base pa rin sa proposed measure na inaprubahan ng nasabing komite, mananatiling walang buwis ang premyo na P10,000 pababa.
Bukod dito, ang mungkahing ibaba rin sa 10 porsiyento ang iipinapataw na 20 porsiyentong documentary stamp tax sa kada lotto ticket ay lusot na rin sa naturang House panel.
Base sa naging pag-aaral ng komite, bumaba ang kabuuang kita ng gobyerno mula nang itaas ang buwis sa lotto, dahilan para mabawasan din ang kakayahan ng PCSO na matulungan ang mga mahihirap na pasyente.
Nabatid na ang pondong nakokolekta mula sa ipinapataw na documentary stamp tax sa lotto tickets ang ginagamit para sa pagpapatupad ng Universal Health Care program.
Kaya naman maging ang PCSO ay sang-ayon sa isinusulong ng Kamara na tapyasan ang nasabing tax rates kung saan inirekomenda pa nito sa mga mambabatas na maging 5 porsiyento sa paniniwalang makaeengganyo ito para muling dumagsa ang lotto bettors.
ROMER R. BUTUYAN