(Lusot na sa House panel)100-BED CAPACITY OFW HOSPITAL

SINANG-AYUNAN ng mga bumubuo sa House Committee on Health ang pinagsama-samang mga panukalang batas na naglalayong makapagpatayo ng 100-bed capacity na Overseas Filipino Worker (OFW) Hospital.

Subalit paglilinaw ng mga kongresista na nagsusulong sa pagtatayo ng naturang ospital, bukas sila sa rekomendasyong plantsahin ang implementing rules and regulations (IRR) o iba pang guidelines, partikular ang pagtanggap ng mga non-OFW at non-OFW dependent patients.

Paliwanag nila, maituturing na specialty hospital para sa migrant workers ang ipagagawang pagamutan, na maihahalintulad sa AFP Hospital, PNP Hospital at Veterans Hospital.

Sa kasalukuyan, sa bisa ng Executive Order, isang OFW Hospital ang naitayo sa San Fernando, Pampanga subalit ito ay nasa klasipikasyon bilang licensed infirmary na mayroon lamang 28 bed capacity

Pangunahing layunin nito na mapagkalooban ng serbisyong medikal ang mga Pinoy migrant worker, gayundin ang kanilang pamilya o dependents.

Sa ngayon, bukas naman ang OFW Hospital na ito para magbigay ng health services sa mga pasyente kahit hindi migrant workers o dependents ang mga ito.

Sa isinagawang pagdinig kahapon, nagpahayag ng pagsuporta ang Department of Health (DOH) sa inisyatibo ng mga kongresista para maisabatas ang pagtatayo ng OFW Hospital.

Subalit giit ng ahensiya, mainam na ang pamamahala rito ay manatili sa ilalim ng Department of Migrant Workers (DMW) at sila ay magbibigay na lamang ng technical assistance.

Nabatid na nakapaloob sa 2022 national budget ang P250 milyong pondo para sa operasyon ng OFW hospital, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Labor and Employment (DOLE), bukod pa ang P521.8 million mula sa Bloomberg Foundation; P200-M mula naman sa PACGOR, habang ang DOH ay nagbigay ng P80-M para matapos ang istruktura.

ROMER R. BUTUYAN