LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala na nagpapalawig sa bisa ng 2021 national budget hanggang sa katapusan ng 2022.
Sa botong 168 na sang-ayon, 6 na tutol at zero abstention ay naaprubahan ang House Bill 10373.
Sa ilalim ng panukala ay pinalalawig ang bisa ng 2021 General Appropriations Act o GAA, mula Dec. 31, 2021 hanggang Dec. 31, 2022.
Nauna nang ikinatuwiran ni House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap, na siyang may-akda ng panukala, na dahil sa COVID-19 pandemic, naapektuhan ang operasyon at paglalabas ng budget para sa proyekto ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Bukod dito, marami sa alokasyon sa pambansang pondo na hindi pa nagagamit ngayong taon ay para sa pagtugon sa pandemya kaya nararapat lamang na mapalawig ang paggamit dito hanggang sa susunod na taon.
Dahil pasado na sa Kamara, sunod na iaakyat ito sa Senado at inaasahang mapapagtibay rin kaagad. CONDE BATAC